MAINIT na paksa ngayon ang desisyon ng Supreme Court sa Estados Unidos na pumapabor sa same-sex marriage.
Sa botong 5-4 niresolba ng US Supreme Court ang usaping inihain noon pang taong 2013 at pumabor sa tinatawag na Defense of Marriage Act.
Dahil dito ay tuluyan nang nabuksan ang pinto sa legalidad ng pagpapakasal ng dalawang taong may parehong kasarian sa lahat ng 50 kasaping estado sa US.
At gaya nang inaasahan ay tinanggap ito ng buong kasiyahan ng mga nasa lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community hindi lamang sa US kundi sa iba pang panig ng mundo at ganoon din dito sa ating bansa.
Dito sa Pinas ay matagal na ring isinusulong ng mga progresibong kasapi ng LGBT ang ligalidad ng same-sex marriage subalit dahil sa mariing pagtutol ng iba’t ibang samahang relihiyon ay napipigilan ito.
Sa 1987 Constitution, nakasaad sa Family Code ang paglilimita sa kasal sa pagitan lamang isang babae at lalki.
At ito ang nais ipabuwag ng mga nasa LGBT community at palitan na ang kasal ay pwedeng isagawa sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan at hindi kinakailangang babae at lalaki lamang sila.
Pero para sa akin ay nararapat lamang pairalin ang kasagraduhan ng kasal na base sa itinakda ng Diyos sa pagitan lamang ng isang lalaki at babae.
Maaaring marami ang hindi sumang-ayon sa akin pero naniniwala ako na anomang pagbabago sa ganitong kalakaran ay tahasang pagsuway sa moralidad at sa kagandahang-asal sa ngalan lamang ng tinatawag na kalayaan at pagkakapantay-pantay.
Hindi naman kailangang sa lahat ng pagkakataon ay sundin natin kung ano ang ginagawa ng mga Amerikano sa bansa nila.
Dahil ‘pag nagkagayon ay magiging simula ito ng tuluyang pagkawasak ng ating bansa at kultura bilang Pilipino na sumusunod sa mabuting aral at kaugalian.
Nanghihinayang din ako sa nangyayaring pagkawasak ng moral fiber ng Estados Unidos na nag-umpisa bilang isang maka-Diyos na bansang naniniwala sa kasagraduhan ng kasal ng isang lalaki at babae para bumuo ng isang mabuting pamilya.
Di ba’t ang mga Kano rin ang nagsabi na “In God We Trust” na nakaukit pa sa mga pera nila at maging sa paaralan nila ay ipinatutupad ang sama-samang morning prayer bago magsimula ang klase?
Pero nang pumasok ang mga libertarian kuno na naniniwala raw sa freedom of religious beliefs ay unti-unti ng nawala ang mga ito at nagbago na ang sistema ng lipunan at pamumuhay nila.
Sana nama’y huwag matulad ng tuluyan ang bansa natin sa Estados Unidos! OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
