HINDI biro-biro ang nagaganap na krisis-pinansyal sa bansang Greece dahil daang libong Pinoy ang apektado rito.
Tinataya ng konsulado ng Pinas na may 61,500 overseas Filipino workers ang nasa Greece at nasa 11,500 ang nagtatrabaho sa kalupaan samantalang may 50,000 naman ang may empleyo sa karagatan bilang seamen at iba pa.
Sa laki ng bilang ng mga OFW sa nasabing bansa, tiyak na malaki rin ang bilang ng mga pamilya na umaasa sa kanila sa mahal kong Pinas.
Halimbawang may umaasa sa bawat OFW na lima katao, mahigit 300,000 katao ang apektado.
‘ALANG PADALA
Pinipigilan ng pamahalaang Greece ang lahat ng kanilang mga mamamayan na maglabas sa bangko ng mga malalaking halaga at hanggang 60-130 Euro lang ang pupwede.
Hindi pa sigurado kung gaano kadalas pinapayagan ito sa loob ng isang buwan hangga’t hindi nalulutas ng pamahalaang Greece ang malaking utang nito sa mga dayuhang gaya ng International Monetary Fund, European Central Bank, mga pamahalaang Germany, France, Italy at iba pa.
Dahil dito, halos walang pampasahod ang mga employer sa kanilang mga empleyadong OFW.
Iniuulat na rin mismo ng mga mamamayang Griego na dumarami na ang nagpapakamatay sa kanila, kabilang na ang mga employer ng mga OFW.
Sa mga kalagayang ito, malinaw na hindi makaaasa ng padala ang mga pamilyang OFW sa ating bansa, lalo na mula sa mga OFW na mawawalan ng trabaho.
HIRAP, GUTOM
Dahil sa kawalan o kakapusan ng padala o remittance, maraming pinsala ang tatamuhin ng mga pamilya ng mga OFW.
Nasasalanta ang mga pangangailangan sa pagkain, pambayad ng mga batayang pangangailangan gaya ng kuryente at tubig, pag-aaral, gamot at pagpapaospital para sa mga maysakit, renta sa bahay o panghulog sa hinuhulugang bahay, pambayad sa utang at marami pang iba.
Sa utang lang, masakit isiping ang mga nagpapautang ay tumitigil din sa pagpapautang sa mga pamilya ng mga OFW sa kawalan ng kumpiyansa na makapagbayad ang mga ito at dito lalong lumalala ang kanilang kalagayan.
Sa madaling salita, makararanas ng hirap at gutom ang mga pamilya ng OFWs. Maaaring may mamatay rin sa mga ito, ang mga maysakit lalo na walang maaasahang pampagamot at pampaospital.
TULONG NG GOBYERNO
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Greece, naghahanda na ito sa posibleng kagipitang mararanasan ng mga OFW.
Subalit hindi malinaw kung hanggang saan ang maitutulong ng embahada, lalo na kung iisipin na karaniwang pabaya o kaya’y nagsasamantala ang mga ito, gaya ng nararanasan ng OFWs sa ibang mga bansa.
Wala rin tayong naririnig na programa ang pamahalaan para sa mga magigipit na pamilya ng OFWs sa Pinas.
Sa katunayan, mga Bro, batbat ng reklamo ang pamahalaan sa kapabayaan at pagiging manhid nito sa mga karaniwang mamamayan, kabilang na ang mga OFW.
Pinababayaan nga ng pamahalaan ang prostitusyon na takbuhan ng mga nagigipit na OFW at may mga kasong mismo pang mga opisyal ng embahada ang nagsasamantala o nagiging bugaw para sa prostitusyon.
PAG-UNAWA
Para higit nating maunawaan ang kalagayan ng mga OFW sa Greece, may matinding krisis-pinansyal ang nasabing bansa.
Hirap na hirap ang Greece sa pagbabayad sa mahigit 270-bilyong dolyar na utang nito sa nabanggit na mga nagpapautang.
Kahit sa maliit na bahagi ng utang ng bansang ito na nagkakahalaga lang ng nasa 6-bilyong dolyar, hirap din itong makapagbayad.
Anomang araw nga mula ngayon, magkakaroon ng reperendum ang mga mamamayang Griego kung papayag silang maghigpit nang todo ng sinturon para lang luwagan ng mga nagpapautang ang kanilang paniningil.
Para sa mga may pautang, pupwede nilang gawing 20-taon hanggang 40-taon ang kanilang paniningil at utay-utay pa ang pagbabayad ng Greece.
Pero ang kondisyon ay magtataas ng buwis ang Greece, magbabawas ng pensyon ang mga pensyonado, magbabawas o ihihinto ng gobyerno ang mga benepisyo para sa mga mamamayan at iba pang lilikha ng kagipitan sa Griego, kabilang na ang mga OFW.
KONTRA
At alam ba ninyo na nangangampanya ang gobyerno ng Greece na huwag pumayag ang mga mamamayan sa kondisyon ng mga nagpapautang?
Sakaling manalo ang reperendum laban sa kondisyon ng mga nagpapautang, sisipain na ang Greece sa European Economic Community at wala na itong maaasahang tulong mula rito.
Lalong magkakandahetot-hetot ang buhay ng mga Griego at tiyak na mas masahol ang aabutin ng mga OFW na pawang mga empleyado lang.
Paano pa kung magkagulo sa Greece?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
