ISA sa mga dapat nating bantayan, mga Bro, ang habagat.
Hindi biro-biro ang habagat dahil kung magbuhos ito ng ulan at may malakas-lakas na hangin, kalamidad ang aabutin mo, gaya ng nagaganap kung may bagyo.
Nito nga lang pagdating ni Egay, eh, ang habagat ang tumira sa pag-ulan ng Visayas at Mindanao dahil hinatak ito ng una habang papalabas ng mahal kong Pinas.
Baha at landslide ang mga nilikha nito sa katimugang Pilipinas.
ONDOY VS HABAGAT
Tiyak namang hindi ninyo malilimutan ang bagyong Undoy na nagpalubog sa Marikina, bahagi ng Rizal, bahagi ng Laguna at malaking ibang bahagi ng silangang Metro Manila.
Pumatay ito ng 747 katao at nanira ng napakalaking halaga ng ari-arian nang palubugin nito hanggang sa bubong ang napakatataas ng mga bahay.
Kung naganap lang ito sa gabi, baka hindi natin mabilang ang namatay.
Dahil sa pinsala sa Ondoy, niyaya ng Caloocan, Malabon, Navotas at bahagi ng Valenzuela ang mga negosyante na lumayas na sa silangang Metro Manila at lumipat sa kanila.
Hindi nagtagal, anak ng tokwa, tinira ng habagat ang CAMANAVA.
Pati lungsod ng Manila, Pasay, Parañaque at bahagi ng Cavite ay nayari. Natigilan sila sa pag-anyaya sa mga negosyante.
Mapanira rin pala ang habagat at nakamamatay rin ng tao.
BAGYONG TRIPLET
Ngayon nga ay triplet ang bagyo.
Nakalabas na ng Philippine area of responsibility si Egay pero may papasok namang bago, si Falcon, habang sumusunod naman sa kanyang likod ang isa pang bagyo.
Ito nga palang PAR kung tawagin ay may 1,000 kilometro ang hangganan sa silangan ng Mindanao, mahigit 1,000KM sa tapat ng Sta. Ana, Cagayan sa Cagayan Valley, nasa 200-300KM sa hilaga at kanluran ng Laoag City sa Ilocos Norte at halos ganito rin ang layo mula sa Palawan at timog-kanlurang bahagi ng Sulu.
Taya lang natin ito, mga Bro, bilang kasagutan sa mga nagtatanong sa atin dahil wala namang sinasabi ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na distansya sa PAR.
Dahil pasok sa PAR si Falcon bukas, gaya ng ginawa ni Egay, at kung papasok ito sa Visayas-Luzon, tiyak na hahatakin nito ang habagat mula sa kanlurang Mindanao at Kabisayaan.
Kaya naman, naririyan ang malaking posibilidad na uulan nang uulan sa mga lugar na hindi tatamaan ng bagyo.
Kung darating ang pangatlong bagyo at papasok ito sa PAR, mauulit ang pangyayari.
TUGON SA PINSALA
Ang punto natin, mga Bro, ay walang iba kundi ang aksyon ng pamahalaan.
Kung may programa ang gobyerno laban sa mga bagyo, nasaan ang programa nito laban sa habagat?
Sa nangyayari, parehong nagdadala ng matagalan at malalakas na ulan ang bagyo at habagat.
Kaya naman, masasabi nating nagdadala ang mga ito ng mga baha, landslide at iba pang masamang pangyayari.
Sa ibang salita, pareho ang habagat at bagyong pumapatay ng mga mamamayan, sumisira ng mga pananim at iba pang ikinabubuhay gaya ng pangingisda at pagbiyahe ng mga komersyante.
Pero kaugnay ng habagat, ano-anong ayuda ang ibinibigay ng pamahalaan?
Sa mga patay lang, napapansin nating hirap na hirap sa pagpapalibing ang mga naulila, lalo na sa parte ng mga mahihirap.
Lagi na lang nating nakikita na iniaasa sa saklang patay at panghihingi ng donasyon mula sa mga kapitbahay, jeepney, traysikel at iba pa ang pagpapalibing lalo’t hanggang P200-P500 lang naman ang iniaabot ng mga opisyal ng barangay at ng mga taga-Munisipyo at Lungsod.
Kung mayaman ang namatay, bumubuhos ang tulong ng mga barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan at mayroon pang galing sa Malakanyang.
PONDONG KALAMIDAD
Muli, mga Bro, magkaisa tayong itulak ang gobyerno na maglaan ng sapat na pondong pangkalamidad ang lahat ng local na pamahalaan, kasama na ang pambansang pamahalaan.
Sa ngayon, hanggang limang porsyento lang ng taunang badyet ng mga ito ang inilalalan sa kalamidad.
Kapag sinalanta ang mga mamamayan o isang lokal na pamahalaan ng isa o dalawang kalamidad, anak ng tokwa, said na ang calamity fund at humihiyaw na ang mga ito ng tulong sa iba at walang ipinagkaiba sa mga pulubi.
Kailangan na baguhin ang batas pangkalamidad at itaas ang porsyento para rito mula sa lima hanggang 10 o bente porsyento kaya.
Anak ng tokwa, kung kinukunan ng 20% na komisyon o tongpats ng mga kapitan, mayor, gobernador, kongresman, senador at taga-Palasyo ang bawat proyekto nila, dapat sa pondong kalamidad na lang ilaan ito.
Para maramdaman naman ng mga tunay na Boss ang pagbabalik sa kanila ng kanilang mga buwis at tunay na serbisyong bayan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

