DAPAT huwag nang magpatumpik-tumpik pa ang mga senador at kongresista sa pag-iimbestiga laban sa Semirara Mining and Power Corporation na pag-aari ng DMCI Holdings, Inc. upang matukoy ang eksaktong operasyon nito sa Antique.
Naniniwala akong obligado nang magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Senado o Kamara del Representante sapagkat ang pagkamatay ng siyam na manggagawa ng DMCI-Semirara nitong Hulyo 17 ay ikalawa nang insidente.
Samakatuwid, sukdulan na.
Hindi dapat pabayaan ng Department of Energy (DOE) na solohin nito ang imbestigasyon dahil mauuwi lamang ito sa wala.
Ang basehan ko ay ang naganap noong Pebrero 2013 kung saan limang manggagawa ang namatay sa parehong lugar, ngunit hindi nakasuhan ang DMCI-Semirara. Matapos ang isang buwan, muling pinayagan ng DOE ang DMCI-Semirara.
Ngayon, naulit ang pagkakaguho ng lupang pinagmiminahan ng DMCI-Semirara bunga ng masamang panahon.
Ganyan din noong 2013, gumuho ang lugar na pinagmiminahan ng DMCI-Semirara bunga ng masamang panahon.
Ang siste kasi ay inuutusan pang magmina ang mga manggagawa kahit napakasama ng panahon. Kaya, may namamatay.
Ang pinagkaiba lang ng Hulyo 17 ay siyam ang namatay kumpara noong Pebrero 2013 na lima.
Sa inisyal na ulat, pasado raw ang DMCI-Semirara sa pandaigdigang pamantayan sa pagmimina.
Ang problema, ayon pa sa ulat, ay masama ang panahon sa Antique, kaya gumuho ang lugar na pinagmiminahan.
Sa ganitong hitsura na isinasalarawan sa media, tiyak mauuwing paborable sa DMCI-Semirara ang desisyon ng DOE.
Ang gustong mangyari ng Koalisyong Makabayan ay magsagawa ng malalim na imbestigasyon ang Kongreso upang matukoy ang tindi, lawak, at lalim ng krimeng nagawa ng DMI-Semirara sa mga manggagawa nito at sa kalikasan.
Kumbinsido ako sa dahilan ng Koalisyon. Sa isasagawang imbestigasyon ng Kongreso, matutukoy ang eksaktong krimeng nagawa ng DMCI-Semirara, kung mayroon man, at sampahan ng kaso upang ito ay magtanda.
Hindi porke may naitutulong sa pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas ang DMCI at Semirara na kapwa pag-aari ng pamilya Consunji sa pangunguna ni David Consunji ay palalampasin na ang kanilang mga kasalanan sa manggagawa at kalikasan.
Kung hindi maiimbestigahan at makakasuhan, pinatutunayan lamang ang krimeng nagawa ng mga bilyonaryo ay hindi krimen.
XXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA