TAMA ba na makipag-away at makipagmurahan ang konduktor ng bus sa kanyang mga pasahero habang bumibiyahe ang bus na kanilang sinasakyan?
Pasado alas-6:00 ng gabi noong nakalipas na Hulyo 12, nang lumapit sa akin ang tatlong lalaki habang ako ay naglalakad sa may Q-Mart at galit na galit ang mga ito sa konduktor ng Five Star Bus Company na kanilang nasakyan galing ng Bayambang, Pangasinan.
Kitang-kita ko sa mukha ng tatlong na parang sasabog sa galit kung kaya kinausap ko ang mga ito sandali at doon ay nalaman ko kung ano ang dahilan.
Sumakay raw ng Five Star Bus na may numero 7235 na may biyaheng Bayambang-Cubao ang tatlong lalaki at sinabing bababa sila sa may GMA-EDSA.
Pagdating daw ng nasabing bus sa may Quezon Avenue ay pilit nang pinabababa ng konduktor ng nasabing bus ang mga pasahero na bababa ng GMA at dito na nagsimula ang iringan at murahan ng konduktor at mga pasahero.
Tarantado naman pala ang konduktor na ito. Ikaw kaya ang pababain ng Quezon Avenue at palakarin hanggang GMA, bababa ka kaya? Gago pala ang konduktor na ito, eh. Sana kung hindi mo sila ibababa sa lugar na gusto nilang babaan ay sinabi mo na noong nagbabayad pa lang sila.
Nang papalapit na ang nasabing bus sa may GMA ay pumara ang mga pasaherong bababa ngunit sa halip na itabi ng driver ang bus ay pinaharurot ito at nagtuloy-tuloy ng flyover hanggang makarating sa may tapat ng Q-Mart kung saan bumaba ang mga pasahero na bababa sana ng GMA.
Tsk tsk tsk, ilang konduktor at driver na ganito pa kaya mayroon ang Five Star Bus Company na hindi lang balasubas at walang galang kundi arogante pa sa mga pasahero?
Alam kaya ng pamunuan ng Five Star Bus Company na may mga ganito silang empleyado o baka naman bulag, pipi at bingi rin ang mga big boss ng nasabing bus company?
Sinikap ng Lily’s Files na makuha ang panig ng Five Star Bus Co. at dito ay ating nakausap itong si Mr. Jesus Micmic, at ayon dito, ang konduktor ng nasabing bus na si Datuin ay bago pa lang at hindi pa regular at siniguro niya sa akin na ito’y kanyang ipararating sa Legal Office ng kumpanya para mabigyan ng aksyon, at kung kinakailangan na masuspinde nang isang buwan ay kanilang gagawin at maaari rin daw itong matanggal bilang isang konduktor.
Siniguro rin nitong si Mr. Micmic na kanyang ipaho-hold ang driver at konduktor ng nasabing bus sa oras na ito’y dumating sa kanilang terminal sa Cubao para mag-report sa Legal Office.
Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ang Lily’s Files sa aksyon ng pamunuan ng nasabing bus company. Sana ay ganito rin kabilis kung umaksyon ang ibang kumpanya sa reklamo laban sa kanilang mga empleyado na bastos, balasubas at arogante.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09353110472 at 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES
