AYAW man aminin ng Palasyo, kitang-kita sa mga kilos ni Pangulong Aquino ang taglay na problema habang papalapit ang election.
Para matiyak ang panalo ng ieendorsong kandidato sa pagka-Presidente sa May 2016, kailangan niyang timbangin ang kanyang mga aksyon.
Dahil sa utang na loob, mula’t mula pa ay si DILG Sec. Mar Roxas na ang ‘presumed chosen candidate’ ni Pangulong Noynoy.
Hindi maikakaila sa madla na kaya naging Presidente ang anak nina Ninoy at Cory ay dahil sa pagpaparaya ng asawa ni Korina Sanchez.
Kumbaga, day one pa lang ng Aquino administration ay laman na ng utak ni PNoy kung paano sisikat si Sec. Mar sa mata ng sambayanan.
Kaya nga matapos ang one year ban sa appointment ng mga ‘di pinalad na kandidato, si Sec. Mar ay kaagad itinalaga ni PNoy sa DOTC.
Ang appointment ni Sec. Mar sa DOTC at bahagi na ng ikinasang estratehiya para sa kanyang pagtakbo sa pagka-Presidente.
Noong masawi ang nadisgrasyang si Sec. Jessie Robrero, si Sec. Mar ay ginawang SILG na parte pa rin ng planong pagtakbo sa 2016 election.
Pero base sa surveys, walang naitulong ang kanyang appointment sa DOTC at DILG dahil siya’y malayong pang-apat sa presidentiables.
Nakahihiyang matalo ang ieendorso ng Pangulo, kaya kumilos si mismo si PNoy – kinausap si Sen. Grace Poe na nangunguna sa mga survey.
Nariyang pinulong pa sina Sec. Mar, Sen. Poe at Sen. Chiz Escudero para sana magsama-sama para matiyak ang panalo ng administrasyon.
Umayaw raw si Sen Poe dahil sa pambubuyo ni Sen. Chiz, kaya walang choice si PNoy kundi si Sec. Mar ang dadalhin sa election.
At kung si Sec. Mar na talaga ang maswerteng mapipiling manok, ito’y malaking problema at tiyak na sasakit ang ulo ng Pangulo.
Para maging number one sa survey, aba’y ‘di matatawarang assignment ‘yan para kay PNoy at mga kasama sa Liberal Party.
Pero kung ang aking kaibigang si Egay Erice ang tatanungin, abot-langit ang kanyang paniniwala na magiging Pangulo si Sec. Mar.
Matagal pa naman daw ang election kaya may panahon pa para makabawi at maging no. 1 si Sec. Mar sa survey, ayon sa LP camp.
Ang LP fighting spirit sumisirit. CHOKEPOINT/BONG PADUA
