MAGANDA raw ang partisipasyon ng mga tao noong nakaraang “shake drill” na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ang ibig-sabihin ay interesado ang mamamayan sa aktibidad para sa paghahanda.
Magandang balita ito dahil ang kadalasang sinasabi lalo ng matatanda ay mahilig daw ang Pinoy sa bahala na.
Siguro ay magaling talaga ang ginagawang information dissemination tungkol sa sinasabing “the big one” na isang malakas na lindol na maaring tumama raw sa Metro Manila, partikular sa maraming bahagi ng Quezon City.
May mga akusasyon na panakot lang daw ito, hindi naman daw kailan man maaring ma-predict ang isang lindol.
Pero sangayon ako na dapat handa lagi ang lahat at dapat updated ang kaalaman tungol sa ano mang maaring dumating na sakuna.
Ang kaalaman ay lakas at proteksyon ‘di ba nga.
Sa dinami-dami ng mga impormasyon na ikinalat tungkol sa the big one, maniwala man kayo o hindi na mangyayari ito sa ating panahon ay hindi mo pa rin matatawaran ang tulong na naidudulot ng mga impormasyon tungkol dito.
At least alam natin kung anong mga phone numbers ang tatawagan para makahingi ng tulong, kung ano ang unang gagawin kung sakali ngang tumama na ang lindol at kung ano ang mga dapat ilagay sa mga emergency kits.
Taon na rin ang nakalipas mula nang una akong nagsulat sa kolum na ito tungkol sa paghahanda kung sakali nga at magkalindol ng malakas.
Noon pa, sinabi ko na, ang unang dapat maimbestigahan ay ang mga matataas na gusali, lalo ang mga gusali na maraming mga tenants o mga public offices.
Dapat ngayon pa lang ay ma-certify na kung handa pa ba ang resiliency ng mga buildings na ito lalo na ‘yung mga luma na.
Pero gaya ng nasabi na, sikat na ang preparasyon sa “the big one” ngayon kumpara noon.
Seryoso na ang mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang information dissemination.
Pero sa huli, ikaw pa rin, bilang indibidwal, ang bawat isa sa atin, ang maaring makaalam kung paano masisiguro ang ating kaligtasan pagdating ng “the big one.”
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya ay mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON




