NAGULANTANG ang buong bansa sa balitang isang estudyante ng University of the Philippines ang nagpatiwakal diumano dahil walang pambayad ng tuition fee.
Ang daming nagbigay ng opinyon, kanya-kanya na naman ng batikos at pagpuna, kanya-kanya ng sisi sa kung sino ang may kasalanan at kung sino ang mananagot.
Pinag-usapan sa media, nasisi ang University of the Philippines, naungkat ang kakulangan ng badyet ng State Universities and Colleges, pati ang Pangulo nagpahayag ng mensahe.
Hindi ako magtataka kung magkakaroon ng imbestigasyon sa Kongreso tungkol sa isyu.
Maganda siguro na nakalkal ang mga isyu ng problema pa rin ng bansa tungkol sa edukasyon pero dahil ang pagpapakamatay niya ang naging daan ay mali pa rin at mabigat sa loob.
Nakaaawa ang pamilya. Pero bilang mga indibidwal na nakarinig sa malagim na kwentong ito, sana ay bigyang daan natin ang isang pananaw sa isyu ng teenage suicides.
Hindi ko alam kung may datos ang Pilipinas sa mga nagpapakamatay na kabataan.
Nitong huli ay parang nadadalas ang balita tungkol sa teenage suicides. Ang nakaaalarma ay mga bata ang nagpapakamatay.
Anong klaseng kabataan ang dinaranas nila at bakit nila naiisip na tapusin ang buhay samantalang napakalaki pa ng kanilang kinabukasan.
Hindi simple ang problemang ito, hindi tayo dapat tumutok lang sa aspeto ng kawalan ng salapi at ang sinasabing mabilis na paraan ng pagbili ng silver cleaner.
Tingnan natin sa mas malawak at malalim na aspeto. Kawalang pag-asa ba, kawalang tiwala sa pamilya at sa suporta ng mundo, may angkla ba o wala ng relihiyon na malaki ang responsibilidad para sa mapayapa at mahinahong puso.
Marami akong kilalang bata na mas mahirap ang dinaraanan para lang makapag-aral, may iba na may taning ang buhay at abandonado pero salamat naman at malayo sa hinagap nila ang pagpapatiwakal.
Pero hindi tayo manghuhusga rito.
Ang importante ay madokumento na sana ang mga kaso ng teenage suicides sa Pilipinas nang sa ganun ay matuldukan at hindi na maulit pa kahit sa anong dahilan.