DAPAT nating maintindihan, ang mga ahensiya ng gobyerno ay may mga batas na sinusunod para sa maayos na pag-implement ng kanilang mandato.
Halimbawa, hindi naman ipinagbabawal lang ang isang bagay kasi trip lang o kaya ay para lang pahirapan ang ilang sektor.
Sa kaso ng Uber, huwag namang isipin na ipinagbabawal ito dahil kumpitensya sila ng mga local taxi franchise at mas kinakampihan ang ilang grupo kaya pahihirapan ang ilan.
Para tuloy sinabi na ipagbawal ang text messaging dahil may post office? Hindi ganun ‘yun. May batas kasi, at may mga requirement na hinihingi sa Uber, ayon na rin sa patakaran ng batas ng Pilipinas.
Tama naman si Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Emilio “Jun” Abaya na may mga kailangan pang i-comply ang Uber at hangga’t hindi sila nagko-comply, tatratuhin silang iligal at huhulihin ng mga awtoridad.
Nagtataka nga si Sec. Abaya sa parang pag-delay pa ng Uber na mag-comply sa mga requirement na hinihingi sa kanila ng batas.
Sa totoo lang, dapat ngang pasalamatan ng Uber si Sec Abaya dahil naiintindihan ng Kalihim ang ganda ng serbisyo na totoong maibibigay ng Uber at kinikilala ni Sec. Jun ang legitimacy ng Uber bilang negosyo sa transportasyon pero hindi naman pwedeng bigyan sila ng special treatment.
Kailangan nilang sumunod sa batas. Sabi nga ni Sec. Jun, ayon sa mga report sa diyaryo, na “pasensyahan na lang” dahil wala pang malinaw na lisensya ang Uber at bawal sila sa kalsada.
Kaya mag-uumpisa na ang mga awtoridad na hulihin sila hangga’t hindi pa nila kumpletong naisusumite ang mga hinihingi sa kanila ng batas para ligal silang makapag-operate sa mga lansangan sa Metro Manila.
Huwag na sanang paabutin pa sa kontrobersiya at mas malaking problema ito. Kawawa naman si Sec.Jun. Ang dami na niyang sakit ng ulo mula sa mas kumplikadong mga problema ng ahensya. Ang kaso ng Uber ay simpleng pagsunod lang sa iniuutos ng batas.
Maging propesyonal tayong lahat at nang pare-pareho nating maayos na mapagsilbihan ang mga mananakay.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya ay text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
