HIGIT na pinakikinggan ng pamahalaang Aquino ang mga sinasabi ng mga dayuhan kaysa ang mga sinasabi ng mga Filipino.
Kaya naman, ito ang gagawin natin na paraan ng pagbibigay ng mensahe sa araw na ito sa pamahalaan.
OUT-OF-SCHOOLS
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, grabe ang dami ng bilang ng out-of-school children at out-of-school youth sa Pinas.
Sa tala noong 2013 ng UNESCO, may 1,223,909 na OOSC at 532,896 OSY.
Para sa atin, ang OOSC ay may edad na 5 na taong pang-kindergarten hanggang 12-anyos na pang-grade 6.
Ang OSY naman ay magsisimula sa mga tinedyer na mahigit sa 12 anyos hanggang 21-22-anyos na edad ng mga nakapagtatapos ng kolehiyo.
lugi ng P2.25T
Ayon sa UNESCO, sa laki ng bilang ng mga wala sa eskwela na paslit at kabataan na aabot sa halos 2-milyon taon-taon, may P2.25-trilyon ang nawawala sa bansa.
Batay ito sa pag-aaral ng nasabing ahensiya na .18 porsyento mula sa P12.5-trilyon na gross domestic product ng Pinas ang nawawala dahil sa mga OOSC at OSY.
Binubuo ang GDP ng kabuuang gastos sa paggawa ng mga pinal na produkto at serbisyo sa buong bansa.
Napakalaking halaga talaga ang nawawala sa atin sa rami ng mga mangmang na nagkalat kahit saan sa mahal kong Pinas dahil halos katumbas ito ng taunang pambansang badyet natin na ngayon lang uma-ngat sa P2.6-trilyon ngayong taon mula sa P2.2-trilyon nitong nakaraang taon.
MAMUHUNAN SA EDUKASYON
Ayon sa UNESCO, kung mamuhunan o magbuhos lamang ang ating gobyerno ng sapat para sa out-of-school children at youths, triple ang aanihing pakinabang na buong bansa pagdating ng panahon.
‘Yun bang === kung mahila sana ng pamahalaan ang halos dalawang-milyong paslit at kabataan papasok sa kinder hanggang sa makatapos ang mga ito sa kolehiyo, magtitriple ang ating pakinabang.
Eh, sino nga naman ang hindi hahayahay ng buhay kung tapos ng kolehiyo ang bawat kabataan?
Kapag makatapos kasi ang mga kabataan ng kolehiyo, magiging de kalidad din ang mapapasukan nilang trabaho at magiging mas mahusay rin ang anomang gawain na sila mismo ang magpapasimula.
Ito’y dahil sa may kakayahan at talino na silang higit sa simpleng pagbabasa, pagkukwenta at pagsusulat.
10 KAHIG, 1 TUKA
Nangungunga sa listahan ng UNESCO na dahilan ng out of school children at youths sa Pinas ang kawalan ng panggastos at sumunod dito ang kawalan ng interes sa pag-aaral, pagkakasakit, malayong mga eskwelahan at pagtatrabaho.
Nangangahulugan ito ng katotohanang napakalaganap ang kahirapan sa buong bansa na pilit na itinatanggi ng pamahalaang Matuwid na Daan.
Kung pagbabatayan ang mga sarbey ng Pulse Asia at Social Weather Station, anak ng tokwa, tanging ang pag-asa ng pagluluwang ng buhay ang mataas.
Pero ang katotohanan ay nananatili na mahigit sa kalahati ng 100-milyong Pinoy sa kasalukuyan ang hirap na hirap sa buhay at nasa alanganing kalagayan din ang malaki ring bilang kumpara sa nasa lilimang porsyento na sobra ang yaman.
Kapag isinama ang sarbey ng Ibon foundation, mas grabe ang kalagayan dahil sinasabi nito na aabot sa 60-70 porsyento ang talagang mahihirap.
OBRERO AT MAGSASAKA
Nanggagaling sa mga pamilyang obrero at magsasaka, kabilang na ang mga mangingisda, mangangahoy, maliliit na vendor, drayber ng mga jeepney, traysikel at habal-habal at tribu o cultural minorities ang higit na nakararami sa mga out-of-school children at youth.
Sa hanay lang ng mga obrero, mga Bro, sinasabi ng mga lider ng mga samahan na aabot na sa 90 porsyento sa nasa 40-milyong manggagawa sa mga pabrika, asyenda, opisina, komersyal na pangingisda, babuyan, manukan at iba pa ang apektado ng kontraktuwalisasyon.
Sa kontraktuwalisasyon, walang tiyak na seguridad sa trabaho at sibak lagi sa trabaho ang obrero makaraan ang limang buwan at siyam-siyam bago muli siyang makapasok sa ibang trabaho, lalo’t hindi na siya pupwedeng bumalik sa pinanggalingan niyang kumpanya.
Sa mga babuyan at manukan, kasama na ang sales ladies sa mga malilit na tindahan sa mga pampublikong palengke, alam ba ninyong karaniwang hanggang P3,000 lang ang buwanang sahod ng mga obrero?
‘Yan ay kung papasok sila araw-araw o 30 araw.
Eh, paano ang pag-iral ng no work, no pay at ang napakaraming araw ng bakasyon sa loob ng isang taon, kasama na ang hindi pagpasok dahil sa mga kalamidad at bangkaroteng transportasyon at matrapik na pagbibiyahe?
Kayong nasa Matuwid na Daan, paano ninyo tutugunan ang mga problema sa OOSC at OSY?
‘Nasaan na ang walang korap, walang mahirap’ ninyo?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA