MODERNISASYON.
Ibig-sabihin, pagtungo o paggamit ng mga bago o makabagong gamit. Pwede rin ang modernisasyon sa panlunan. O kaya naman sa mga imprastraktura, bahay, gusali, tulay, perokaril, ospital o mga gadget na pang komunikasyon o pangsiyensiya.
Sa panlipunan na usapin ngayon, bugbog ang paggamit ng salitang modernisasyon para sa ating Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya (AFP–PNP).
Ulitin natin, kapag sinabing moderno o modernisasyon, BAGO. Kung hindi man totoong bago, nagamit man ay panandalian lang. Kung baga sa sasakyan, hindi tataas sa 5,000 na kilometro ang tinakbo.
Clear?
Katulad ng binili ni DILG Secretary at LP presidentiable Mar Roxas na Mahindra jeeps ng India, bago lahat ‘yun kahit limang doble pa ang taas ng presyo sa mas de-kalidad na gawa mula sa Japan. Ang usapin, BAGO!
Masyado tayong nililinlang ni G. Aquino kasabwat ang kanyang mga ayudante sa National Defense.
Noong una, bumili si Aquino ng dalawang barkong pandigma na gawa mahigit nang 50 taon. Lulusawin na lang sana ng US Armed Forces pero naibenta pa kay PNOY ng napakataas na presyo. Ginastusan ito ng kalahating bilyon para lang magmukhang bago – refurbishment.
Bumili ng “attack helicopters” na gayundin ang edad.
Overpriced pa!
Nagyabang ang DND. Pinalipad nila ang anim pero pawang mga UH-1H ang gamit. Ang totoong binili ng DND ay UH-1D! Kanino hiniram ‘yung 5?
Ngayon ay sinabi na bumili sila ng 20 F50 fighter jets mula South Korea. ‘Yun din ang binibili ni Fidel V. Ramos noong Pangulo pa siya pero hinarang siya ng Amerika.
Ewan kung bakit?
Ngayon, tuloy na raw. Dahil ba sa pagpapakita ng masel ng China?
Itong mga nagdaang araw ay “NAGBIGAY ng DONASYON” ang Australia, Canada at Espanya.
Pati Japan ay may “donasyon” ding mga barko at posibleng cargo planes.
Ang lahat ay segunda mano, gamit na.
Nakapagtataka lang, sinabi ng Malacañang at lumabas sa mga balita, “binili?” raw ni Aquino ang mga iyon ng multi-bilyong piso o dolyar?
Ano ba ang totoo?
Balik tayo sa modernisasyon ni Aquino.
Mas tumpak na sabihin na lang na bumili siya ng mga kailangan ng AFP at PNP.
Tama na roon. Kasi, karamihan ng binili niya ay todong pinaglumaan na at babakalin na lang sana.
Ibig-sabihin, HINDI MODERNISASYON iyon kahit sa anong silip.
Simpleng pagbili ng mga gamit na kailangan ng AFP-PNP.
Maituturing mo ba na modernisasyon ‘yung bumili ng mga bala ng baril at kanyon na nang gamitin ay walang pumutok?
Modernisasyon mo PNOY? Mapanlinlang!!! BALETODO/ED VERZOLA
