UMAMIN na ang Metro Manila Development Authority na aabutin nang 15-taon bago magsimulang lumuwag ang Mega Manila mula sa impiyernong trapik.
Binubuo ang Mega Manila ng Metro Manila at karatig na mga lalawigan gaya ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Sa 2030 lang din umano paiiralin ng MMDA ang planong pang-Mega Manila na magtitiyak ng pagluwag ng trapiko.
Ang rason ng MMDA, mga Bro, napakarami kasing mga proyekto ng Department of Public Works and Highways na dapat talagang tapusin at ang paggawa ng ahensiya ang isang napakalaking dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Dumarami rin umano ng 11,000 kada buwan ang sasakyan sa lugar taon-taon na malaking dahilan din ng trapik.
NGANGA TALAGA?
Mukhang sarado na ba talaga ang utak ng MMDA at mismong buong gobyerno laban sa trapik?
At kung tama ang haka-haka natin, tanging ang pag-deploy na lang sa lansangan ng mga traffic enforcer at pulis ang posibleng pinakamainam na gawin ng gobyerno?
Kailangan naman kasi ang mga ito bilang gabay sa daloy ng trapiko at kontrol na rin sa abusadong tsuper at walang disiplinang pasahero na lalong nagpapasikip sa trapiko.
Pero hanggang nganga o hanggang diyan na lang ba talaga ang gobyerno?
GRABENG POLUSYON
Dahil sa sinabi ng MMDA, naisip natin ang maruming hangin sa Mega Manila.
Ayon kay Dr. Leo Olarte, chairman ng Coalition of Clean Air Advocates of the Philippines, 80 porsyento ng dumi ng hangin sa Metro Manila ay nanggagaling sa mga ibinubugang hangin ng mga sasakyan.
Kapag natrapik ka naman umano nang ilang oras sa iyong airconditioned na sasakyan, maaaring mamamatay ka rin sa atake sa puso o stroke kaya naman dahil sa pagkalason sa hangin mula sa iyong sariling sasakyan.
Maaaring naiisip ng koalisyon ang nagaganap sa ibang mga bansa na namamatay sa lason mula sa umaandar na sasakyan ang mga sakay nito sa tagal ng mga trapik na kanilang sinusuong.
At hindi nga malayong magaganap o talagang nagaganap na rin sa mahal kong Pinas ang pangyayari.
Pangontra rin ito ng koalisyon sa sinasabi ni Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya na bagama’t nakapeperhuwisyo ang trapik, hindi naman ito nakamamatay.
Kabaligtaran ito sa nagaganap na may mga nagpapatayan na sa ating mga lansangan dahil sa trapik at mayroon na ngang tauhan ng MMDA, traffic enforcer at pulis na pinatay dahil sa kawalan ng konsiderasyon o pagsasamantala sa trapik upang mangotong.
MAY MAGAGAWA
Taliwas sa sinasabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, mga Bro, marami ang magagawa sa loob ng 15 taon para maging maginhawa ang daloy ng sasakyan.
Sa pag-iikot natin sa mga lungsod ng Pasay, Manila at Quezon City, napakaraming kalsada ang maluluwang sa looban.
‘Yun bang === mga lansangan na kaiba, halimbawa, sa EDSA, Avenida Rizal, Quezon Avenue, Taft Avenue, Quirino Avenue sa Manila at Quezon City at iba pa.
Alam ba ninyong marami sa mga kalsadang ito ang ginagawang basketbolan, palengke ng mga vendor, tambakan ng mga sirang sasakyan, ekstensyon ng mga sari-sari store at kainan, repair shop at sampayan ng mga labada?
Mayroong ding tinatayuan ng mga barangay hall, simbahan, ekstensyon ng garahe o bahay at may mga sinasaraduhan din at itinuturing na private subdivision.
Namamatay rin ang mga bangketa dahil sa mga ito at nakatatrapik ang paglalakad ng mga tao sa gitna ng mga kalsada.
Kung kikilos lang ang buong gobyerno para linisin ang mga ito, tiyak na luluwag ang trapiko.
DAGDAG NA MGA TULAY
Napakaraming ilog, sapa at kanal sa Metro Manila na walang tulay.
Naiimbudo ang mga sasakyan sa iilang tulay na nagkokonekta sa mga lansangan sa isang lugar patungo sa ibang lugar at ito ang malaking dahilang ng trapik.
Marami ring lansangan, lalo na sa Quezon City, na matagal nang alam ng mga awtoridad na sa isang malakas na buhos ng ulan, nagiging kanal na ang mga ito at maaanod ang iyong sasakyan kung mataong naririyan ka sa mga daan na ‘yan.
Ang kailangan dito, mga Bro, ay mga tulay.
Sa tantiya natin, sa halagang isa o ilang milyong piso lang, magagawan ng tulay ang mga maliliit na daluyan ng mga tubig gaya ng mga maliliit na sapa at kalsadang dinadaluyan ng tubig dahil sa malakas na ulan.
Hindi matagal gawin ang mga ito at malas na lang kung aabutin ka ng isang taon.
Kung gugustuhin din ng gobyerno, madali rin itong makagawa ng mga tulay sa loob lang ng dalawang taon o mahigit nang kaunti na magko-cross sa mga malalaking ilog gaya ng Pasig River at iba pang mga ilog na tulad nito.
Kalokohan, kabaliwan at kainutilan ang pagsasabing aabutin ng 15-taon bago lumuwag ang trapiko sa Mega Manila.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA