BAGONG gimik ang gustong palabasin ng Bureau of Customs kontra sa mga kababayan natin na overseas Filipino workers at migrante.
Talaga bang pandaraya sa buwis o hinala nila o gusto lang mangharbat ng gamit ng mga manggagawa abroad?
Umaapoy sa galit ang OFWs at Migrante nang malaman nila na bubuksan na raw ng BOC ang lahat ng balikbayan/OFW boxes.
Halos napuno ang email ko sa maghapon pati na mga personal messages sa Facebook account ko.
Tatlong kahon ang ipinauwi ni Mila mula Amerika. Dapat ay nadeliver nang LBC cargo tulad ng inaasahang schedule pero nang tumawag siya sa kanyang asawa, ayaw pa raw ideliver ng LBC dahil may utos ang Kotong Bureau, este, Customs na kailangan daw munang buksan ang lahat ng kahon?
Galit na galit si Elpi ng Amerika rin dahil dapat ay nakarating na sa kanilang bahay rito ang mahigit 2 taon niyang inipon na padala.
Pero katulad ng katwiran ng unang cargo handler, sinabihan at binantaan daw ng BOC ang cargo company na ipasasara sila kapag ‘di hihintayin ang magbubukas na taga-Customs!
Ganyan din ang reaksyon ni Mari mula sa Japan. Inagahan ang padala para hindi maipit sa paparating na Pasko pero dahil sa bagong gimik ng KOTONGS, iisa-isahin muna nila ang laman? Ilan lang sila sa rami. May kasunod pa.
Hindi bago si Customs Commissioner Bert Lina sa cargo handling. Pag-aari niya ang Air 21 at may sister-companies pa ito.
Sabi ng tao niya, 100-500-milyon daw ang nakalulusot sa pagbabayad ng buwis kada taon. Ows? Iyan ba ang totoo?
Hindi naman kayo mga gunggong at inutil diyan sa BOC. Ang lahat ng ipinadadala ng OFWs at Migrante ay bayad na ang buwis bago isampa at isakay sa mga barko o eroplano.
Anong buwis ang hinahabol ninyo?
Karamihan na padala ng OFWs at Migrante ay matagal na pinag-ipunan.
‘Yung iba ay mula sa regalo at marami ay napupulot lang. Anong buwis ang hinahabol ninyo sa kanila?
Hanggang ngayon, ang mga taga-Customs, maski ‘yung mga nakatoka sa Philpost ay mahusay gumawa ng pera mula sa mga tumatanggap ng padala.
Ilan na ba ang nahuli sa CCTV na kinukupit ‘yung mga gadget, pera, alahas, bag, t-shirt at iba pa?
Kung totoong buwis lang ang habol ninyo, nandiyan ang mga big time smuggler! Sila ang tirahin ninyo at huwag pag-initan ang balikbayan boxes ng OFWs at mga migrante!
Mga swapang kayo riyan sa BOC!!! BALETODO/ED VERZOLA