SAAN kaya kumukuha ng milyon-milyong salapi itong si Sen. Alan Peter Cayetano a.k.a Kuya Alan para matustusan ang kanyang mga pa-epal na television advertisement? Para sa isang nagmamalinis na Senador na gaya niya ay imposibleng galing ito sa sarili niyang bulsa.
Una, eh, magkano lang naman ang sweldo ng isang Senador na ang palabas sa publiko ay wala siyang bahid ng anomalya at korapsyon.
Imposible rin namang galing din ito sa bulsa ng kanyang asawa dahil magkano lang din naman ang sweldo ng isang City Mayor.
At kung sakaling may sarili namang pera ang kumag na ito ay imposible rin na gagamitin niya ang kanyang sariling kwarta sa kanyang pa-epal ads dahil nuknukan ng dugas at gulang ng taong ito pagdating sa kwarta.
Eh, noon ngang nagsisimula pa lang siya sa pulitika, eh, napakadugas na niya dahil wala siyang ginawa kundi huthutan ang dating Pangulong Arroyo at si dating First Gentleman Mike Arroyo upang matustusan ang kanyang kampanya.
Noong nagkatahid na siya at nakaipon, aba’y biglang kambyo ang ungas at kinagat ang kamay ng mga taong nag-aruga sa kanya.
Lalo rin namang imposible na ang milyon-milyong halaga ng political ads na pinalalabas niya ngayon sa mga telebisyon ay galing sa kanyang mga tagasuporta dahil wala namang sira-ulong uubos sa kanyang pera para lang tumaya sa isang walang kapana-panalong kandidato.
Eh, ‘yung survey nga mismo ng kanyang katropang isang mambabatas, eh, lumalabas pa kulelat siya sa kabila ng kanyang epal ads.
Aba, eh, tutal din lang na naglilinis-linisan itong si Cayetano ay dapat sigurong idetalye rin niya sa publiko kung magkano na ang kanyang nagagastos sa kanyang mga epal ad.
At dahil mahilig din lang siyang magpaandar tungkol sa diumano’y transparency, nararapat din sigurong isiwalat niya kung saan nanggaling ang mga mga salaping winawaldas nito sa pamumulitika.
Malaki kasi ang kutob ko na ang salaping ginagamit nitong si Cayetano sa kanyang mga epal ad ay galing din sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na sa mga taga-Taguig.
Dapat siguro ay busisiin ito ng Commission on Audit (CoA) dahil hindi naman yata makatwiran na gamitin ang pera ng Taguig para lang sa pamumulitika ng isang senador.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon ay mag-e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN