KUNG totoo ang sinabi ni Malaysian Prime Minister Najib Razak na ang US$750-million na nawawala sa kaban ng yaman ng Malaysia ay ipinambili niya ng lupa sa Mindanao, dapat magpaliwanag si Don Benigno Aquino III, Moro Islamic Liberation Front at OPAPP nina Ding Deles!
Ang itinuturong lupa umano ni Razak ay nasa Maguindanao at ang malawak ay sa Liguasan Marsh.
Hindi lihim sa mga dayuhan na naroroon na tila naglalaro ng patintero kung gaano kayaman sa langis ang nasabing malawak na tubigan.
Iyan ba ang dahilan Mr. Aquino kaya sinabi mo na kailangan maipasa ang BANGSAMORO BASIC LAW?
Kaya pala todo-gastos din ang Malaysia maipasa lang at maitayo ang Bangsamoro State para masolo ang yaman ng Mindanao!
Ang matindi, sa inyong BBL, 70 porsyento ang ibibigay ninyo kunwari sa MILF pero sa totoo ay sa Malaysia pala.
Ang masakit pa, kung hindi nabuko at umamin si Najib Razak, alin sa dalawa, hati kayo ng MILF at Malaysia sa kita?
Personal na kita!
Mismong si Dr, Mahathir Mohamad, dating Prime Minister ng Malaysia ay nagulat sa pag-amin ni Razak.
Papaano mo ipapaliwanag sa mga Filipino ang “lihim ninyong kasunduan” Mr. Aquino?
Kataksilan!
Dapat ituon ng Kongreso ang kanilang pag-imbestiga sa usapin ng BBL batay sa pag-amin ni Razak.
Nakatatakot. Kung sabagay, ibinigay nga rin ni Razak nang walang hirap sa pinsan ni Noynoy ang kontrol ng oil distribution sa Malaysia.
Ibig-sabihin, sakaling ipapasa ng Kongreso ng Senado at Kamara ang BBL, magpipista sina Razak, Aquino at MILF sa tagumpay at kita mula sa mahihigop na langis at marami pang likas na yaman sa Mindanao sa ilalim ng BBL?
Pero ano pa kaya ang maasahan natin sa Kongreso?
Hayun sila at walang puknat na sa pangangampanya.
Walang paki ang mga politiko at mga opisiyal ng rehimen ni Aquino sa banta ng mala-impiyernong kalalagyan ng bansa sakaling totoo ang pag-amin ni Razak.
Papayag ba ang mas nakakarami na kapatid nating Muslim sa Mindanao?
Visayas at Luzon kasama ang mga Lumad at iba pang katutubo roon sa nakatakdang mangyari sakaling AT ALL COST NA MAILUSOT NI AQUINO, Office of Presidential Affairs on the Peace Process, MILF AT NAJIB RAZAK ang BBL?
Kayo sa Ombudsman, Sandiganbayan, Supreme Court, AFP at PNP, hindi man lang ba kayo magsasagawa ng malalim na imbestigasyon tungkol dito?
Walang masama kahit balita lang.
Subalit papaano kung totoo?
Walang nang tataas pa sa kataksilan at katraydorang bayan ito Mr. Aquino et al.
Bayan ko, tumindig at lumaban! BALETODO/ED VERZOLA