MARAMI sa atin ang nakarinig na ng mga kwento o tsismis na ang Iglesia Ni Cristo (INC) ay nanghihimasok sa gawain ng gobyerno.
Tila yata itong “alamat” ay napatotoo ng isang larawan ng liham na ipinarating sa ating kaalaman ng mga nag-aalalang mamamayan.
Ang liham na para umano sa isang opisyal na may ranggong police director na nakatalaga sa Camp Crame, Quezon City noong Hulyo 2012, ay hiniling nang partikular na mailipat ang pitong pulis mula sa kanilang puwesto tungo sa ibang rehiyon o himpilan.
Nagtapos sa mga salitang, “In behalf of the Executive Minister, let me extend our heartfelt gratitude and appreciation for your continuous support and cooperation,” ang liham ay nilagdaan ng isang ministro na may nakasaad na “political liaison” sa ilalim ng kanyang pangalan.
Ito ay maaaring maging kasindak-sindak para sa mga kasapi ng INC, lalo na roon sa mga nakilahok sa mga nagprotesta para tigilan ng gobyerno ang panghihimasok sa usapin ng kanilang sekta.
Ayon sa mga bulung-bulongan, matagal nang nagaganap na ang mga lider ng INC ay ginagamit ang kanilang impluwensya hindi lang sa pulis, kundi pati sa ibang tanggapan ng gobyerno na walang magawa kundi ang sumunod sa naturang kahilingan.
Hindi ba nakikialam din ang mga lider ng INC sa gobyerno sa tuwing halalan, kapag lumapit at hiningi ng kandidato ang basbas at pag-endorso ng kanilang sekta, na pwedeng garantiyahan ang pagkakaisa ng boto ng kanilang mga kasapi para suportahan ang pinapaborang kandidato?
Ginagawa ni Justice Sec. Leila de Lima ang kanyang trabaho, na umano’y may kaduda-dudang sipag, nang tanggapin ang reklamong “serious illegal detention” na isinampa ng dating ministrong si Isaias Samson laban sa walong lider ng INC.
Pero sa pananaw ng mga miyembro ng INC, ito ay katumbas ng panghihimasok sa usapin ng simbahan at paglabag sa 1987 Constitution na nagsasaad na “The separation of church and state shall be inviolable”.
Dahil hinihingi nila ang pagbibitiw ni De Lima, na ginampanan lang ang kanyang tungkulin kaugnay ng reklamo na isinampa ng isang mamamayan na nagkataong dating ministro ng INC, ang kalihim ba ng DOJ ang nanghimasok sa sekta ng relihiyon o ang INC ang nakikialam sa gobyerno?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.