HINDI maikakaila na ang yumaong Mayor Tito Oreta ay umukit ng kasaysayan sa pulitika ‘di lamang sa Malabon, kundi sa buong bansa.
Napamahal ng labis ang mga kababayan dahil sa unang termino ng panunungkulan, ‘di matatawarang achievement ang kanyang isinakatuparan.
Sa first three years ng pamamahala, nakapagpagawa ng matatawag na mga legacy project na nagpatayog at nagpatingkad sa imahe ng Malabon.
Buhay na halimbawa ay ang 11-storey Malabon City Hall na pinangarap ng mga nagdaang mga alkalde, subalit ‘di naisakatuparan.
Ang isa pang proyekto na isinakatuparan ni Mayor Tito ay ang tanyag ngayong Oreta Sports Center na sentro ng sports activity sa lungsod.
Ang magarang Malabon City Hall at Oreta Complex ay dalawa lamang sa napakaraming proyekto na binigyan-buhay ng alkalde.
Dahil maayos na ginagampanan ang trabaho, sa sumunod na ikalawa at ikatlong termino ay walang nagtangkang lumaban kay Mayor Tito.
Sa kasaysayan ng pulitika sa Malabon at sa buong bansa, mabibilang ang naging karanasan ng yumao nang Mayor Tito Oreta.
Ang nangyari sa Malabon sa panahon ni Mayor Tito ay tila baga mangyayari sa lungsod ng Caloocan sa darating na Mayo 2016 election.
Dahil kung ano ang inukit na kasaysayan ni Mayor Tito sa larangan ng pulitika sa Malabon at buong bansa ay nagaganap ngayon sa Caloocan.
Sa unang termino rin ni Mayor Oca Malapitan bilang Ama ng Caloocan, maraming legacy project din ang kanyang naisakatuparan.
At matagal ding pinangarap ng mga taga-Caloocan City na modern at magarang Caloocan City hall ay kasalukuyan nang ginagawa.
Patapos na rin ang konstraksyon ng Caloocan Sports Center at ilan pang malalaking proyekto na tiyak na magpapatayog sa imahe ng lungsod.
Dahil sa magaling na pamamahala ni Mayor Oca, bumilib sa kanya ang taumbayan – patunay ay ang resulta ng survey na isinagawa kamakailan.
Sa nasabing survey, tumataginting na 66 percent ang pumanig at nagsabing nais nilang iboto sa darating na election ay si Mayor Oca.
Sa nakikita ngayong mabilis na pag-unlad ng Caloocan, tiyak na walang tatalo kay Mayor Oca, ang ‘Tito’ ng Caloocan! CHOKEPOINT/BONG PADUA