ANG PNP-Highway Patrol Group (HPG) ay abalang-abala matapos italaga ni President Noynoy Aquino para mangasiwa sa lumalalang problema ng trapiko sa EDSA.
Nang makita kung gaano kalala ang sitwasyon, nagbabalak si C/Supt. Arnold Gunnacao, HPG director, na habaan ang oras ng kanilang pagbabantay at gawing 24 oras araw-araw.
Ang anim na “chokepoint” na kanilang nakita ay Guadalupe, Shaw Blvd., Cubao, Ortigas, Balintawak at kanto ng Taft Ave. Pero ang 23.8-kilometrong EDSA ay maituturing na isang malaking chokepoint sa araw-araw.
Kakailanganin ng HPG ang lahat ng tulong na makukuha upang magampanan ang kanilang responsibilidad, hindi lang mula sa Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kundi pati sa mga pamahalaang lokal.
Ang “zero-tolerance” policy ni Gunnacao ay dapat maipatupad nang husto sa lahat ng motorista, pati na sa may “special protocol plates” o gumagamit ng “business card” ng VIP upang makaiwas sa pagkakahuli.
Ang pagtatanggal sa lahat ng kolorum na sasakyan na tumatakbo bilang pampublikong transportasyon na walang prangkisa ay tiyak na makababawas ng pagsisikip ng trapiko.
Ang disiplina na gamit ang kamay na bakal ang susi para mapuwersa ang mga motorista, at pati na ang mga operator ng pampublikong sasakyan na lumalabag sa batas, para sumunod sa mga patakaran.
Pero ang problema sa trapiko ay hindi nagsisimula at nagtatapos sa EDSA lamang dahil suliranin ito sa maraming bahagi ng Metro Manila, kung saan natin nakikitang nagkalat ang mga iligal na terminal at mapang-abusong mga negosyante at vendor sa kalye na patuloy na nagpapabagal sa daloy ng trapiko araw-araw.
Naniniwala sila na karapatan nilang magpatakbo ng iligal na komersyo sa lansangan dahil nagbibigay sila ng arawang lagay sa mga tiwaling opisyal.
Kung puputulin ang kalakarang ito ay mawawakasan ang naturang mga “obstruction” at makatutulong para lumuwag ang problema sa trapiko.
Dahil naranasan kung gaano kagrabe ang trapiko sa EDSA lalo na kung bumubuhos ang ulan, nag-desisyon ang HPG na tawagan ang Special Action Force para sa karagdagang suporta.
Nagulo ang mundo ng HPG sa baha na nagpabago sa mga lansangan para magmukhang eksena mula sa pelikulang “Waterworld”. Dapat siguro ay Coast Guard na ang tinawagan nila.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

