NGAYONG Lunes, iniulat na pararangalan ng Philippine National Police si PO2 Ryan Cabansag dahil sa matagumpay nitong pagsugpo sa tatlong holdaper sa isang Del Carmen bus sa North Luzon Expressway patungong Bulacan.
Kung tutuusin, dapat mabilis na binibigyang-parangal ang mga ganitong pulis at kakambal nito ang karampatang reward at promosyon, ‘di ba, PNP chief Ricardo Marquez, sir?
Ang totoo, matagal din nating hinintay ang pagpaparangal na ito at akala natin noong una na matutulad si Cabansag sa mga miyembro ng SAF na namatay at nasugatan sa Mamasapano na hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa kung mabibigyan sila ng parangal o hindi.
Kung tutuusin, isinakripisyo ni Cabansag, hindi lang ang kanyang sarili kundi ang kanyang pamilya na kasama niya sa bus nang maganap ang krimen.
Dahil sa kanyang pagtataya ng buhay ng kanyang asawa at anak, nailigtas na rin niya sa kapahamakan ang lahat ng mga pasahero at konduktor ng bus.
Goodbye na lang sa mga anak ng tipaklong na holdaper.
KAPAG PULIS
Habang binibigyan natin ng pagkilala si Cabansag, nais nating tanungin naman ang pamunuan ng pulisya kung ano-ano na ang ginagawa nito sa mga inirereklamo ng mga motorista na hulidap na pulis.
Katulad ng mga napatay ni Cabarles, armado rin kung manghulidap ang mga pulis-patola.
Naglipana ang mga ito sa Metro Manila at sa mga lalawigan.
Sa Bulacan lang, kapag nakakita ka ng mahabang pila ng mga trak na nakahinto at tsinetsek ng mga drayber at pahinante, magduda ka na.
‘Yun pala, may nakaabang sa unahan na Highway Patrol Group na nangongotong.
Kwento ng mga taga-Norzagaray at Sta. Maria, Bulacan, minsang nagawi ang mga ito sa Norzagaray, niratrat sila ng New People’s Army.
Kwento naman ng HPG member sa isang mediaman, may quota kasi sila na koleksyon araw-araw na utos ng kanilang mga bosing.
Quota? Ano ‘yun, huh?
Ano nga pala ang gagawin sa mga ito, Gen. Marquez, sir?
Kapag may nagreklamo kasi, katakot-takot na harassment ang nararanasan nila.
RYAN JAWORSKI
Kababalita lang ang pagkakabaril at pagkakaaresto ng isang anak ni ex-Senator at basketball legend Robert Jaworski.
Kwento ng mga pulis, minsan nang naaresto si Ryan Joseph Jaworski, 40, ng Corinthian Garden, Quezon City sa kasong droga.
Nitong huli, mga Bro, nagkaroon naman ng buy-bust operation sa gunrunning o iligal na pangangalakal ng baril laban kay Jaworski at dalawang iba pa, kabilang na si Joselito Au, 52, Tsinoy at residente ng V.V. Soliven, Green Park, Cainta, Rizal.
Ngunit nakatunog sina Jaworski at nakipagbarilan ang mga ito sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust sa Makati City.
Matanong lang natin ang mga pulis, ano sa palagay ninyo ang uri ng pagkakasangkot ni Jaworski rito?
Big-time ba o small time?
SPO2 Nilo Sadsad, ng Homicide Section, Station Investigation and Detective Management Branch, Makati City Police, sir, gusto naming makatanggap ng inyong kasagutan.
Nakapagtataka ring hindi ibinabandera ng mga pulis na nagsagawa ng operasyon ang kanilang mga pangalan. Bakit?
Wala sanang aalingasaw na mabaho o malansa sa kasong ito, Gen. Marquez.
CALOOCAN COPS
Nitong nagdaang mga araw, may ilang pulis-Caloocan na nasangkot sa operasyon laban sa droga hanggang sa Baguio City.
Kasama sa mga pulis sina Insp. Virgilio Platon, Police Officers 1 Kenneth Geronimo at Czeron Nero Masadia, Police Officer 3 Moammar Concepcion at SPO2 Elmar Orulfo at isang PO3 Dan Fermalino, ng National Capital Region Police Office.
Itong si Orulfo ay minsan nang itinuro ng isang negosyante na nangikil sa kanya ng P2-milyon sa operasyon sa droga.
At nitong huli, P1M halaga naman umano ng shabu ang hinabol ng mga ito sa Baguio City.
Pero nagkabarilan sa Baguio City at tinakasan ng mga pulis ang pangyayari.
Nabaril ng isang hinihinalang sangkot sa droga si Concepcion at sa halip na itakbo ito sa ospital sa Baguio, dinala pa ito sa MCU Hospital sa Caloocan.
KOTONG SA DROGA
Kung totoo na nakapangotong na ng P2M sina Orulfo, Gen. Marquez, sir, ano naman itong tinarget nilang P1M na shabu?
Sabi ni Caloocan City chief, S/Supt. Bartolome Bustamante, walang before and after operations report si Platon na namuno sa operasyon.
Ano po, ‘yun, Kernel Bustamante?
Aba, tama lang ang pagsibak ninyo sa mga tao n’yong may milagrong ginagawa.
Tanong lang natin: nakakulong ba ang mga ito kung may kasong kriminal ang mga ito?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
