TINAWAG na “RoRo” ang tambalang Roxas at Robredo ng kanilang mga kapanalig sa partido.
Sabi ng barbero kong si Mang Kulas, d’yan na sila LULUBOG.
***
Ang “RoRo” raw ang tunay na “Daang Matuwid”.
Parang sinasabing “peke” ang daang matuwid ni Pangulong Aquino.
***
Kasabay ng pormal na panunuyo ni Roxas kay Robredo ay inilunsad ni Presidential spokesman Edwin Lacierda ang #jumpwithleni.
Jump with Leni? Kayo na lang! Ano kami, bale?
***
Hindi pa rin makapagdesisyon si Leni Robredo kung tatanggapin ang alok na mag-bise presidente kay Mar.
Naghihintay pa rin daw siya ng “paramdam” ng namayapang asawang si Jessie Robredo at saka lamang TATAKBO.
***
Ayon kay QC Rep. Alfredo Vargas, simple at mapagkumbabang tao lang daw si Rep. Leni.
Hindi rin daw siya politiko at hindi siya oportunista.
Aba’y kung gayon, dapat nga talagang mag-isip mabuti si Rep. Leni kung kakagatin ang alok ni Roxas.
Kasi’y kung matutuloy ang tambalang “RoRo”, diyan na siya magsisimulang babuyin ng pulitika at matatawag na ring oportunista.
‘Yan ang pulitika, sandamakmak ang mga oportunista. Malinaw po ‘yan.
BUWAGIN ANG MTPB!
Hindi ko alam kung ano pa ang silbi ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), grupo ng traffic enforcers sa Lungsod ng Maynila.
Kasi ang totoo’y walang silbi ang marami nitong tauhan sa pagsasaayos ng trapik sa Maynila.
Pasensiya na sa iilang tumutupad nang tama sa kanilang trabaho pero marami po talaga kayong mga kasamang pulpol na nagkalat sa kalsada.
Imbes tumutok ang MTPB enforcers sa pagpapaluwag ng traffic, nakasentro ang marami sa panghuhuli at paniniket.
Hindi ba’t ang ultimong trabaho ng nagtatrapik ay magtrapik at hindi ang maghanap ng violations at maniket nang maniket?
Isang mabuting halimbawa na riyan ang harapan lang ng City Hall na palaging barado sa trapiko.
Sa halip padaluyin nang maayos ang mga sasakyan na patungong Divisoria, Sta. Cruz at Quiapo na nagsikip dahil sa mga pasaway at nagti-terminal na jeepney, nagkumpol ang mga tukmol sa MTPB sa kabilang side para mag-abang ng mahuhuli.
Tama ba ako o mali? KANTO’T SULOK/NATS TABOY
