ITULOY natin, mga Bro, ang pagtalakay sa napakabagal at napakamahal na internet sa mahal kong Pinas.
Tingnan natin kung paano tayo pinaglololoko at sinuswitik ng mga telephone company o Telco.
PINAKA TALAGA
Sa inilabas nating isang pag-aaral kahapon, sa 15 bansa na sampol natin, tanging ang India at Indonesia lang ang natalo natin sa bagal ng koneksyon sa internet.
Kulelat tayo sa 2.8 megabits per second (Mbps) mula sa Korea at Japan hanggang Hong Kong, Singapore at Malaysia na napakabibilis.
Sa ibang ulat, heto ngayon tayo na may 3.52 Mbps kumpara sa 190 bansa sa buong mundo.
Pang-160 tayo at tinalo pa tayo ng Haiti sa Africa na may 4.33 Mbps, Palestine na may 3.81, Nicaragua na may 4.33 Mbps at Rwanda sa Africa na may 10.15 Mbps.
Sa bilis naman ng pag-download o pagpapalabas ng nilalaman ng internet, may bilis sa Pinas na 18.04 Mbps at kung ikumpara natin sa Hong Kong na may 77.22 Mbps, titindigan ka ng balahibo.
Kung gusto mo namang mag-upload o maglagay ng iyong litrato sa internet, pang-163 tayo sa bagal na 1.365 Mbps samantalang nasa 64.75 Mbps ang bilis sa Hong Kong.
Nalaman ito sa pag-aaral ng Ookla sa bilis at bagal sa internet, mobile phone, fiber optic at satellite.
PINAKAMAHAL
Ayon sa Ookla, sa kabila ng napakapaninindig-balahibong bagal ng internet, pinakamahal ang internet sa Pilipinas kumpara sa 64 na bansa.
Pero para sa mga taga-London, sukang-suka sila sa bagal at inilista tayo sa may pinakamabagal na internet sa buong mundo at pinakamahal pa ang bayad.
Sabi ng Ookla, nagbabayad ang Pinoy ng nasa P1,187 bawat Mbps samantalang ‘yung iba ay nasa P30.80 lang gaya ng Bulgaria.
SINASAKAL NG PLDT
Ayon sa isang Vlodia na nagkaroon ng pag-aaral sa paggalaw ng internet, dapat umanong may Internet Exchange o IX para sa lokal na koneksyon ng lahat ng lokal na internet service provider.
Kung gusto naman nating magkaroon ng koneksyon sa ibang bansa, dapat magkaroon ng gulugod na koneksyon na maaaring nasa loob ng bansa o kaya ay nasa labas.
Dapat umanong libre ang IX sa loob ng bansa at doon lang tayo magbabayad sa mga tagalabas.
Pero ang ginagawa umano ng Philippine Long Distance Telephone company, pinaiikot pa sa Hong Kong ang koneksyon nito para makaiwas sa pagsi-share ng IX.
At dito hirap ang ibang Internet Service Provider, kabilang na ang Globe, na makikonek sa PLDT at ibang mga Telco nito gaya ng Smart at Sun na pinakamalaking network sa Pinas.
Ayaw ring makikonek ang PLDT sa PACNET at iba pang gulugod ng komunikasyon kaya napipilitan ang iba na kumonek sa una.
At ang masama umano, gumagamit ang PLDT ng lumang sistema na sanhi ng mabagal na daloy ng internet at kung makikonek ka rito, kailangan mong magbayad sa PLDT.
TUGON NG TELCOS
Marami nang pahayag ang mga Telco sa mga interview at nakikinig o nagbabasa tayo.
Kesyo gumaganda at pinagsusumikapan nilang pagbutihin ang bilis, kabilang na ang pagpapamura ng serbisyo ng telepono at internet sa Pinas, ‘di ba, Sir Mon Isberto?
Pero sa pagsasabi ng mga ito ng mga magagandang balita, nanatili hanggang sa ngayon ang napakabagal at napakamahal na internet sa Pinas.
Kapag nagpakabit ka ng wirless o may cable, sa una at ikalawa, ikatlong araw, aba okey naman.
Pero pagkalipas ng isang linggo, anak ng tokwa, andiyan na ang tunay na anyo ng internet.
Mabagal na, mahal pa.
‘Pag hindi ka nagbayad, putol agad ang service mo.
‘Pag nagreklamo ka sa bagal, ang tagal bago magkaroon ng aksyon.
Sa lamay sa internet, nalibing at nagpasiyam ka na sa iyong yumao, wala pa ring nagpapakita na technician ng mga Telco.
GOBYERNO INUTIL
Nagtayo ang gobyerno ng Department of Transportation and Telecommunication at National Telecommunications Commission.
Pero wala kang marinig na pag-aayos sa mga problema sa IX at backbone o gulugod.
Kapag tinanong mo ang NTC, hindi raw nila trabaho ang problema sa presyo at tanging sa kalidad sa serbisyo lang umano sila nakatutok.
Ganun? Eh, bakit ‘yung kalidad ukol sa bagal, wala itong magawa?
Nasaan na nga pala ‘yung palatandaan ng pagkakaroon sana ng backbone ng telepono at internet sa bansa noong panahon nina Pangulong Fidel Ramos at Glorian Macapagal-Arroyo.
Kung kinulapulan man ang mga ito ng korapsyon, bakit hindi ipinagpatuloy ng Aquino government ito sa ngalan ng Tuwid na Daan?
May misteryo?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
