LUMUWAG na ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Ganyan kung ibida ito ng PNP Highway Patrol Group (HPG) mula nang maatasan silang magmando ng daloy ng trapiko sa lugar maraming araw na ang nakalipas.
Sina Sanggago’t Kalahati naman ay naniwala sa mga naging pahayag ng PNP-HPG kaya sinubok nilang dumaan sa EDSA kaya hayun… naging biktima sila ng Hokus Pokus Gang o HPG dahil sa delubyong trapik na inabot nila.
Akala yata kasi nitong PNP-HPG ay nasa karnibal sila na nagsasagawa ng mahika na sa isang pitik lang ng mga daliri ay mawawala na ang problema sa trapik ng EDSA.
Ika nga ni Pareng Hector ko mula sa lalawigan ng Los Angeles California doon sa bansa ni Uncle Sam… ‘don’t give them false hopes’ o peke na, huwad pa na pag-asa patungkol sa lintek na trapik na iyan.
o 0 o
Noong makalawa ng hapon ay dumaan ako sa EDSA doon sa bandang Balintawak na sinasabing inararo na nang husto ng PNP-HPG kasama ang lokal na pamahalaan pero trapik pa rin – mga damuho kayo!
Nang magawi ako kahapon ng umaga sa dakong Muñoz Market aba’y ganoon din ang sistema ng daloy. Ganoon din naman kahit noong hindi pa PNP-HPG ang bida sa lugar.
Kaya ano ba talaga ang ibinibida ng PNP-HPG sa EDSA? Mangyaring itikom na lang ang matatabil na bunganga ng mga opisyal nito na kapag maluwag e sila ang bida pero ‘pag masikip ang daloy e isinisi ang kanilang kapalpakan sa iba.
Duda ko’y binubulabog lang ng mga ito ang ‘taniman’ sa bukirin ng EDSA kaya madalas magparamdam ang Hokus Pokus Gang o HPG upang ipaalam na sila na ang bida sa lugar.
Lahat ng mga parating ay iparating nang maaga at tama sa oras ang mga iyan upang maganda ang daloy ng trapiko. Lahat ng ayaw magparating sa tamang oras ay huwag nang gumamit ng EDSA. Ganoon ba iyon?!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
