ISA ako sa naniniwala sa kapangyarihan ng pelikulang Pilipino para makapagpaabot ng importanteng mensahe sa ating mga kababayan.
Kaya naman noon pa ay aktibo na ako sa pagsuporta sa industriya ng pelikulang Pinoy.
Noon ay naging producer ako ng pelikulang “Deadline” na pinagbidahan nina Lovi Poe, Alen Dizon, Tirso Cruz, Ina Feleo at marami pang iba tungkol sa karahasan at panganib na araw-araw ay kinakaharap ng ating mga journalist.
Mahalaga ang mensahe ng pelikulang Deadline tungkol sa prinsipyo ng isang reporter at ang dapat na pagpapahalaga sa kaligtasan ng mga taong ang pangunahing layunin ay panindigan ang katotohanan para sa bayan.
Ngayon nga ay nagkaroon ako ng bahagi sa pag-promote ng pelikulang Heneral Luna.
At nakatataba ng puso na pagkatapos ng ilang linggo mula nang una itong magbukas sa mga sinehan ay pumalo na ito sa takilya.
At habang sinusulat ko ang kolum natin na ito ay patuloy pa rin ang pag-angat ng benta nito sa mga sinehan.
Natutuwa ako at naging bahagi ako ng pelikulang ito at natutuwa ako para sa mga producer dahil ngayon nga, dahil sa kasikatan ng Heneral Luna, ay nahikayat pa sila na mas gumawa ng pelikula tungkol sa mga tunay na bayaning Pinoy, lalo na ‘yung hindi mga kilala at hindi sikat.
Dahil marahil sa pelikulang ito ay muling napag-usapan ang buhay ni Heneral Luna, lalo ng kabataan at pati na rin ang mga bayani na kasamang umikot sa buhay niya tulad na nga ni Mabini na kilala natin marahil dahil sa pagiging lumpo.
May mga hindi magandang usapan pa na nakahihiya raw ang mga estudyante ngayon dahil hindi nila alam kung bakit nakaupo lang ang aktor na si Epi Quizon na gumanap na Apolinario Mabini sa kabuuan ng pelikula.
Hindi nila batid na lumpo si Mabini. Kaya importante rin na napanood nila si Mabini sa sinehan.
Dahil sa kontrobersiya ay lumabas tuloy sa mga pahayagan ang isang luma at marahil ay kaisa-isang larawan ni Mabini na nakatayo, noong hindi pa siya nalumpo ng polio.
Pero ang mahalaga ay napag-usapan muli ang sakripisyo ng ating mga bayani.
At pag-uusapan mula ngayon ng ating mga kababayan ang pagkatao ni Heneral Luna at ni Apolinario Mabini.
o0o
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON
