KAYO ba, mga Bro, ay happy sa sinasabi ng Bureau of Immigration na matagal nang nasibak ang dalawa nilang tauhan na nag-escort sa magkapatid na Reyes na akusado sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega palabas ng Pilipinas?
Pinangalanan ang mga taong-BI na sina security guard 1 Wesley Gutierrez at administrative aide III Rogelio Delgado Udarbe.
Ineskortan umano nina Gutierrez at Udarbe sina ex-Palawan Gov. Joel Reyes at ex-Coron, Palawan Mayor Mario Reyes sa Ninoy Aquino International Airport para maayos na makalabas ang mga ito ng bansa sakay ng isang eroplano.
PAG-AMIN
Noong una, todo-tanggi ang BI na may kinalaman ito sa pagtakas nina Reyes.
Sa kapal ng pagmumukha ng mga taong-BI, nagawa nilang tumindig nang taas-noo sa akusasyon na may kinalaman sila sa pagtakas ng magkapatid.
Pero ngayon, umamin din sila sa wakas.
At salamat naman na lumabas ang katotohanan.
SINUNGALING
Bagama’t maaaring totoo ang pinagsasabi ng mga taong-BI, may halo pa ring kasinungalingan dito, paniniwala ng ating Uzi.
Simple lang ang argumento ng ating UZI: sino ang nag-utos kina Gutierrez para eskortan nang walang kahirap-hirap ang Reyes brothers na dumaan sa NAIA at sumakay ng eroplano sa pagtakas ng mga ito sa kanilang krimen, sakaling magkatotoo na sila ang utak sa pagpatay sa mahal ni Ma’am Patty Ortega?
Imposible nga namang walang sangkot na opisyal ng BI mula sa head office nito sa Intramuros, Manila hanggang sa BI office sa NAIA.
KAKAMBAL NG SINUNGALING
Sa totoo lang, may kakambal ang mga taga-BI sa pagbibigay ng pabor sa mga Reyes.
Maalaala ba ninyo ang pagkakaroon ng dalawang panel na nag-imbestiga sa pamamaslang?
Anak ng tokwa, sa unang panel, nilibre ng mga prosecutor ng Department of Justice sina Reyes sa pananagutan sa krimen.
Wala umanong sapat na ebidensya laban sa dalawa.
‘Yun bang === walang sapat na ebidensya upang isangkot ang mga ito sa krimen na naganap malapit lang sa klinika ni Doc Gerry sa Bgy. San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan noong Enero 24, 2011.
Bala mula sa cal. 45 na ibinaon sa likod ng kanyang ulo ang ginamit ng mga killer na sina Marion Recamata at iba pa.
Dahil sa katakot-takot na reklamo laban sa DOJ, bumuo ito ng pangalawang panel at sa basbas ng Court of Appeals, doon na nakita ang partisipasyon ng magkapatid.
Teka, ‘di ba ahensiya ng DOJ ang BI?
Magkakambal ngang sinungaling ang BI at DOJ.
PETISYON SA SC
Correct me if am wrong, mga Bro, ang pagkaalam natin ay wala pa yatang inilalabas ang Supreme Court na resolusyon o desisyon ukol sa petisyon nina Ma’am Patty para sa kumpirmasyon ng pagiging ligal ng second panel at ang resolusyon nito na isangkot ang mag-utol na Reyes sa pagpatay.
Kailan kaya magkakaroon nito upang malaman naman ng pamilya Ortega ang kanilang gagawin sa pagkamit ng matagal nang nauunsiyami na pagkamit ng katarungan?
Alalahanin na mahigit nang apat na taong nakatengga ang kaso sa DOJ at regional trial court at sa Reyes pa lang ia-arraign ang dalawa.
Tiyak na magkakaroon pa rin ng labo maging sa arraignment dahil sa kawalan ng SC ng tiyak na desisyon sa kahilingan na ideklara nang ligal ang second panel at ang finding nito na sangkot ang magkapatid sa krimen.
PETISYON SA PIYANSA
Sa ngayon, humihiling ng luwag ang magkapatid gaya ng piyansa at hospital arrest o kaya’y magandang detention center upang makaiwas umano ang mga ito sa banta sa kanilang buhay.
Kinikilala natin ang mga karapatang ito ng sinomang akusado.
Sa ngayon, siyempre, mariing idiniriin ni Justice Sec. Leila de Lima na hindi pagbigyan ng mga prosecutor ang mga kahilingan nina Reyes.
Pero maraming pangyayari ang darating na pupwedeng magpabago sa kalagayan.
Halimbawa, mga Bro, ang paglayas ni Sec. Leila sa DOJ dahil sa pagkandidato nito bilang senador.
Magkakaroon ng baong DOJ Secretary.
Ang babantayan na rito ay kung ano ang gagawin ng bagong DOJ secretary sa masalimuot na kaso.
PERA-PERA
Kailangan talaga ang mahigpit na pagbabantay sa kaso.
Umiiral ang pera sa kasong ito at palatandaan dito ang napababalitang pag-alok ng P50-milyon sa mga testigo upang bawiin ang kanilang mga testimonya laban sa mga Reyes.
Tila gumalaw rin ang pera sa pagtakas ng magkapatid palabas ng Pinas. At naglaro rin ba ang pera sa pag-tumbling ng DOJ sa mga imbestigasyon nito sa pagkakalikha ng dalawang panel na magkatunggali ang resolusyon ukol sa mga Reyes?
Sana, malaman ang buong katotohanan at makamit ng bayan ang katarungan sa kasong ito.
oOo
Anomang reklamo o puno ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
