MARAMI-RAMI na rin namang aksidente ang naganap na sangkot ang Philippine National Railways at tila ang bilang na ito ay balewala sa pamunuan ng Department of Transportation and Communications.
Hindi na mabilang sa daliri ang mga taong napinsala at pumanaw nang wala sa oras dahil nadisgrasya ng mga tren ng PNR.
Ang masakit pa nito, walang pakialam ang management ng PNR na nasa ilalim ng pamamahala ng DOTC kung may nadisgrasya man sila o may napinsala dahil sa kanilang kapabayaan.
Ilan na ba ang namatay matapos mahagip ng tren na naiwang nganga ang mga naulila?
Hindi man lang sila pinuntahan ng pamunuan ng PNR. Posibleng ikatwiran nila na hindi nila alam ang pangyayari o hindi sila naimpormahan.
Naman! Siguro naman ay nanonood ng balita sa telebisyon o nakikinig ng radio at nagbabasa ng diaryo o balita sa internet ang kanilang mga opisyal at tauhan para idahilan na hindi sila nasabihan.
Posible ring ikatwiran nila na hindi sila pinuntahan ng pulis na may hawak ng kaso nang pagkakasagasa sa biktima kaya hindi nila alam at hindi sila nakapagpaabot ng kanilang pakikiramay at tulong.
Nakagawian na kasi na wala nang pakialam ang gobyerno sa anomang disgrasya na sangkot ang PNR at maging ang Light Railway Transit (LRT) at Metro Railway Transit (MRT) sapagkat takot sila sa responsibilidad.
May insurance bang kaakibat ang operasyon ng PNR, LRT, MRT at iba pang pampublikong transportasyon na nasa ilalim ng DOTC?
Sapagkat kung may insurance ito, dapat ay may nananagot sa anomang aksidenteng kinasasangkutan ng mga nasabing mass transportation.
Pinakahuling nahagip ng tren na nasawi ay nananatili ang labi sa Jose Reyes Memorial Medical Center sapagkat walang kamag-anak o walang nakakikilala sa nasawi.
Hindi na rin pinagkaabalahan ng imbestigador ng traffic na may hawak ng kaso na ipaalam sa PNR ang insidente na dapat sana ay silang mag-asikaso sa bangkay ng biktima.
Hanggang kailan kaya ganito ang takbo ng pamahalaan? Hangga’t makalulusot sa obligasyon ay lulusot.
Pero sa pagbubulsa ng pera na ibinayad bilang buwis ng mga mamamayan, ay kanya-kanya at mabilis pa sa takot na magkaubusan bago magkabukingan. PAKUROT/LEA BOTONES