ANG mga tagahanga, tagasuporta at mayorya ng nakaupong konsehal ay hinihimok si Vice Mayor Isko Moreno na tumakbo para alkalde ng Maynila.
Noong Biyernes, ang mga kaalyadong konsehal at kongresista ni Mayor Joseph Estrada ay nagsagawa ng ilang pagtitipon kaugnay ng survey na nagpakita umano na nangunguna si dating Mayor Alfredo Lim at Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing sa mga tatakbong alkalde, at kasunod lang nila si Estrada.
Kinabukasan ay nag-meeting ang mga kandidato para konsehal at kongresista ng Asenso Manileño, ang partidong pampulitika na naglunsad ng tandem nina Estrada at Moreno para mayor at vice mayor ng Maynila noong 2013.
Dumalo sa pagtitipon na inabot ng dalawa at kalahating oras sa Manila Hotel ang mga kandidato ng Asenso Manileño para kongresista at ang anim na konsehal ng bawat isa.
Kabilang dito sina Ernesto Dionisio para District 1, Uno Lim para District 2, Yul Servo para District 3, Ernest Maceda para District 4, Joey Hizon para District 5 at Benny Abante para District 6.
Si Moreno, na kasalukuyang nasa pangatlo at huling termino niya bilang vice mayor, ay ilang ulit nagpaghayag noon na tatakbo siya para alkalde ng Maynila. Pero sa mga nakalipas na buwan, nagpahiwatig si Moreno na kakandidato siya para senador sa nalalapit na halalan.
Bagaman sinabi ni Moreno sa mga dumalo sa pagtitipon na pag-iisipan niya ang kanilang kahilingan, maaaring nalaman na niya ang hinahanap na kasagutan matapos ang meeting nang makita ang daan-daang tao, kabilang na ang maraming opisyal ng barangay, na may hawak na mga plakard at sumisigaw ng, “Isko para alkalde”.
Mukhang hindi kakaunti ang hindi natuwa nang ideklara ni Estrada na muli siyang tatakbo para alkalde ng lungsod dahil marami pang kailangang ayusin sa Maynila.
Binali niya ang pangako noong 2013 na makalipas ang isang termino ay susuportahan niya ang kandidatura ni Moreno para alkalde.
Pero ganito talaga ang mundo ng pulitika na ang pangako ngayon ay puwedeng mabago sa isang iglap kinabukasan.
Malay ninyo? Baka pagbigyan ni Moreno ang mga tagasuporta at gawing laban ng apat na sikat ang pagka-mayor sa Maynila.
At baka magulat tayong lahat kung biglang kumambyo si Estrada at tumakbong Pangulo sa 2016.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
