NATUWA ang mga residente ng Cubao, Quezon City dahil simula noong nakaraang buwan ay nahinto na ang lantarang sugal sa kanilang lugar na bumibiktima maging ng mga kabataan.
Tinutukoy natin, parekoy, ang mga puwesto piho nina Alex sa Pinatubo St. at ang pasugalan ni Esti na nasa Westpoint St.
Kaya sila nahinto dahil ipinasara ng CIDG, pero ngayon ay ipinangangalandakan ng dalawang ito na ayos na ang usapan nila at ng CIDG sa lingguhang tara kaya tuloy na ang ligaya!
Ahhh, ibig sabihin Gen. Uyami ay nagpataas lang ng presyo ang mga bata mo kaya ipinasara noon ang mga sugalan na ito sa Cubao? ‘Di ba pwedeng ipasara na sila nang tuluyan?
-o0o-
MATINDI rin talaga ang “partnership” nina Kris (Aquino) at Chiz (Sen. Escudero).
Bago magsimula ang kampanya ng mga senatoriable ay nakalamang na agad si Chiz dahil araw-araw siyang partner ni Kris sa sikat na programa nito na Kris TV.
Isang “factor” ito, ayon sa ilang mapanuri kaya laging angat si Chiz sa survey.
Pero nitong mga nakaraang araw ay biglang nahambalos si Chiz ng bonggang-bongga dahil sa mga isiniwalat ng pamilyang Ongpauco (parents ni Heart Evangelista) na mga kakaibang asal daw ni Sen. Chiz sa likod ng camera.
Piyesta, parekoy, ang media sa kabubulatlat sa buhay at asal ng Senador. Na kung hindi matitigil hanggang sa halalan ay posibleng ikatalo ito ng “bata ni PNoy.”
Ngunit matitigil lang ang pagbulatlat kay Chiz kung may sikat na personalidad na biglang mapag-uusapan!
Sakto nga, biglang ginulantang ang pipol op da Pilipins sa panibagong kontrobersiya na kinasasangkutan ng dating mag-asawang Kris at James!
Mapupuna ninyo, parekoy, biglang nawala ang focus ng media kay Chiz, dahil mukha ni Kris at ng kanyang mga kapatid ang laging nasa telebisyon.
Habang umaagos ang mga luha ni Kris at gumagaralgal ang boses ay naalaala ko ang senaryo noon bago kumandidato ang kapatid na si Noynoy!
Oh ‘di ba epektib? Huh!
Ang kawawang James Yap, hindi alam kung saan nagmula ang lahat! Hak, hak, hak!
May paiyak-iyak pa si Kris na kesyo iiwan na niya ang lahat ng kanyang TV program.
‘Di ba sinabi na niya noon na kapag nanalo si PNoy ay hindi na siya babalik sa TV?
Pupusta ako parekoy, pagka-naisalba na ng mga luha ni Kris si Chiz, after election ay babalik siya sa telebisyon!