NAKATIKIM ng banat ang Liberal Party kay dating Isabela Gov. Grace Padaca dahil sa pagsuporta ng partidong kanyang kinaaaniban sa hindi kapartido para lamang makakuha ng suporta ang kanilang manok na si Mar Roxas sa 2016 presidential elections.
Makikita sa social media account ni Padaca ang mga bira nito sa LP at hindi lamang umano sa kanilang lalawigan nangyayari ito kundi sa iba pang lugar.
Kung totoo man ang paratang na ito ni Padaca, mukhang desperado na ang LP dahil mas lalo yatang masisira ang kanilang kredibilidad kapag ginawa nila ito dahil maging ang kanilang mga kapartido ay malamang na hindi na susuporta sa kanilang manok sa 2016?
Bagama’t hindi pa nagsasabi si Padaca (habang sinusulat ang kolum na ito) na muli itong tatakbo bilang gobernador ng Isabela ay malaki ang magiging epekto ng hakbang na ito ng LP dahil marami sa kanilang kapartido ang maaaring bumaligtad.
Balita nga natin, nararanasan din ito ni Valenzuela City Vice Mayor Eric Martinez na tatakbo namang congressman ng ikalawang distrito ng kanyang lungsod.
Base pa nga sa bulong-bulungan sa ikalawang distrito ng Valenzuela City, kinakausap umano ng LP ang makakalaban ni Martinez para lamang makakuha ng suporta si Mar Roxas at matiyak na mananalo ito sa naturang lungsod.
Kapag nagtuloy-tuloy ang ganitong kalakaran, malamang na sa halip na makatisod ng panalo ang standard bearer ng LP ay tuluyang sa kangkungan na ito pulutin.
Kung totoo man ang istratehiyang ito ng LP, dapat ay magbago na sila ng hakbang dahil sa halip na makadagdag sa boto ay baka tuluyan pang mabawasan ang suportang kanilang makukuha?
Isip-Isip din kapag may time! ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO