TUWING dumarating ang filing ng certificate of candidacy ng mga gustong tumakbo sa halalan, kakaiba ang atensyon ng mga manunuri.
Kaagad, sinisino ang nagsumite at kadalasan ay parang laruan lang ang mga hindi kilala at binabansagan na nuisance candidate o panggulo lang na kandidato.
Sa panayam matapos magsumita ng COC ay binibigyan ang bawat indibidwal na nag-aalok ng serbisyo. Mula Pangulo pababa, sinisino kaagad at kadalasan ay pinagtatawan.
Kung tutuusin ay panlalait ito sa mga gustong kumandidato lalo na sa pagka-Pangulo. Dahil ba sila’y hindi nakabarong o naka-amerikana ang suot? O kaya’y mamahalin ang damit samantalang sa nuisance candidates ay simpleng damit lang? Batayan na ba iyon ng pagiging nuisance nila?
Sa mga kilalang politiko, yaong malalaki, mayayaman at may organisadong partido, wala tayong narinig sa kanila na tapat at tukoy na programa. Kung mayroon man ay sa ilong lang nila lumalabas ang bawat letra. Kaya naman, matapos ang eleksyon at nanalo ang mga sikat, hayun sila at pakuya-kuyakoy lang at nagpipista sa sarili at mga kabarkada!
Tama, dahil walang kakayahang gumastos sa pagkampanya at pag-iikot sa mga lugar ng botante, nagmumukha silang mga tanga, laruan ng lipunan. Pero muli, may laman ang kanilang layunin sa planong pagtakbo at baka manalo.
Ilan sa mga itinuring ng Comelec noon pa mang nagdaan na eleksyon, balak ng nuisance candidate na magtayo ng maraming pakturya para sa industriyalisasyon. Batayan nila ang programang ito para lumago ang trabaho at huwag nang maging OFW ang Pinoy.
May nagsabi rin na gusto nila iangat ang programa ng agrikultura. Bigyan ng todo-ayuda ang mga magsasaka sa pamamagitan ng gamit, butil at mga kailangang pataba para matiyak ang masaganang ani.
Mayroon din sa mga sinasabing nuissance candidates na gusto baguhin ang Saligang Batas at anyo ng pambansang pulitika para maramdaman ito ng mamamayan at maging bahagi sa buong proseso ng pagpanday sa lipunan.
Kung ikukumpara ito sa mga trasdiyunal na politiko, malayong-malayo sila sa mga itinuturong panggulo lang na mga kandidato.
Nagkataon lang na mahirap sila sa salapi ngunit napakayaman sa kaalaman at kaisipan.
Alam din naman ito ng mga tradisyunal na politiko. Lamang, mas nauuna ang kanilang pansariling interes at personal na pagpapayaman bago ang tunay na serbisyo sibil.
Nagagawa nila ito ng todo sa bisa na mga matiwaling transaksyon sa kanilang pamamahala at sabwatan sa kapwa nilang purol na politiko.
Nuissance candidate ang mga walang pera? Sino nga ba? BALETODO/ED VERZOLA