MATINDI ang smuggling sa port of Cebu.
Lantaran ang puslitan dahil sa laki ng kinikita ng mga protektor ng mga smugglers.
Ang balita natin, sampung libo hanggang labing limang libong piso ang tarya sa bawat container van.
Hindi bababa sa limang daan hanggang isang libong container vans ang pinararaan sa Cebu sa loob ng isang linggo kaya hindi nakapagtataka ang mabilis na pagyaman ng nakikinabang sa rice smuggling.
Ang balita, isang “smoking-gun” o alyas Boy Yosi ang nagpapakolekta ng payola sa lahat ng klase ng smuggling sa Cebu.
Matinding sindikato ito dahil ang balita natin, sinasamantala naman ng mga smuggler ang sistema ng kotong ni Boy Yosi dahil pumapayag ang mga tiwali sa Cebu na walang bukasan ng container van.
Ibig sabihin, puwede ring haluan ng shabu, sports, baril at expensive jewelries ang mga dumarating na bigas dahil nga nagbabayad naman sila ng “toll gate” kay “smoking gun.”
And by the way, ano ba itong Revenue Collection Monitoring Group o RCMG na nakabase sa Manila?
Mukhang ito ang super Customs dahil mas malakas pa sa BOC ni Commissioner Biazon.
Balitang-balita sa Cebu na rito pinararaan ang koleksiyon para kay Boy Yosi.
Hinahamon natin si Cebu Collector Ed Dela Cuesta na pigilan ang mga kalokohang ito para maniwala kaming hindi siya pinagagalaw ni Boy Yosi.
Teka nga pala, ito bang si Collector Dela Cuesta at ang Dela Cuesta na dating nasa Port of Batangas ay iisa?
Kung siya rin ito, aba’y kailangan muna niyang ipaliwanag kung paanong nawala ang libo-libong sako ng kumpiskadong bigas sa Port of Ba-tangas noong kalakasan pa ni “fat guy.”
Mas magaling pa siya sa hunyango kung nagawa niyang makalundag sa bagong administrasyon mula sa mga dati niyang boss.
Puwede akong tumestigo na umiinom si Chiz.
At puwede kong sabihin na mas malakas siyang lumagok ng beer kaysa sa akin dahil kapag nagkakaharap kami sa okasyon ng common friends namin, kalahating bote pa lang ako, nakakadalawa’t kalahati na siya.
Natural naman siguro dahil mas malaki ang bodega niya kaysa sa akin.
Pero hindi tayo maniniwala sa pagiging bastos at walang galang ni Chiz tulad ng inaakusa ng ermat ni Heart Evangelista.
Magiging unfair ang sinomang hahatol at maniniwala sa alegasyon kay Chiz dahil personal nating alam na magalang siya, lalo na sa mga nakatatanda sa kanya.
Ang pagkakamali lang ni Chiz, napasagot niya si Heart pero mukhang hindi niya nilagawan ang magiging in-laws niya.
allanpunglo@yahoo.com