SUNOD-SUNOD na rally at demonstrasyon ang mangyayari kung ipagpipilitang i-disqualify sina Vice President Jojo Binay at Sen. Grace Poe bilang mga kandidato sa pagka-Pangulo sa darating na 2016 elections.
Hindi papayagan ng libo-libong supporters nina Grace at Binay na hindi makatakbo sa presidential elections ang dalawang kandidato at tiyak na maglulunsad ang mga ito ng iba’t ibang anyo ng pagkilos laban sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ang disqualification cases na isinampa kay Grace sa SET at Comelec ay sapat na batayan para pagdudahan na ang kampo ni Mar Roxas ng Liberal Party ang may pakana nito.
Si Grace ang nangungunang kandidato sa presidential race batay na rin sa mga survey at sinasabing ito ang dahilan kung bakit siya ginigiba – isa kasi siyang malaking sagabal sa balakin ni Roxas na maging Pangulo ng Pilipinas.
Isa pang sagabal sa balakin ni Roxas ay si Binay. Ang sunod-sunod na atake laban sa pamilyang Binay ay tahasang sinasabing pakana ng administrasyong Aquino na kasalukuyang pangunahing supporter ni Roxas.
Sa madaling salita, tama talaga na sabihing “sisibakin” ng administrasyong Aquino sina Grace at Binay para walang makalaban si Roxas sa presidential race na nakatakda sa susunod na taon.
Tanging si Miriam na lamang ang sakit sa ulo ni Roxas at tiyak na sisirain din nila ito para masiguro nila ang kanilang panalo.
Kung tutuusin, inumpisahan na rin nila ang paggiba kay Miriam sa pamamagitan ng mga text brigade na nagsasabing may sayad siya sa ulo.
Pero dapat na magdahan-dahan ang kasalukuyang administrasyon ni Aquino. Kung magtutuloy-tuloy ang nasabing mga rally at demonstrasyon, malamang kumilos ang ilang grupo sa loob ng AFP at PNP.
Sariwa pa rin ang isyu ng SAF 44 at hanggang sa ngayon, humihingi pa rin ng katarungan ang mga naulilang biktima ng Mamasapano massacre.
Sa loob ng AFP, hindi iilan ang matamang nagmamasid ng kasalukuyang pampulitikang kaganapan at hindi maaaring hindi ito “gumalaw” kung nasasalaula at naaabuso na ang karapatan ng taumbayan.
Malaking problemang kinakaharap ni PNoy at ng LP, partikular na si Roxas, kung ang mga rally at demonstrasyon ay maganap at magtuloy-tuloy ang galit ng mamamayan, at hindi na nila ito mapigilan, lalo na kung meron nang makialam sa hanay ng AFP at PNP. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
