KAHIT ano pa ang sabihin ng iba, alam ko na ang mga Pinoy ay handang makilahok sa national elections.
May mga maririnig ka na ayaw na raw nila talagang sumali kasi disappointed sila sa mga kandidato at disillusioned na sila sa pulitika ng bansa pero alam ko na sa loob nila ay may pakialam pa rin sila, may opinyon, at may personal na napupusuan at gustong piliin na kandidato.
Kaya naman nakita natin ang dami ng mga kababayan natin na pumila para makapag-register para makaboto.
Ang problema lang talaga ay kung minsan sanay tayo sa minamaya-maya ang mga bagay. Gaya nitong katatapos na lang na registration para sa biometrics na requirement ng COMELEC.
Isang taon ang registration, pero sa huling araw dumagsa ang daan-daan o libo-libong gustong magparehistro.
Galit pa sila dahil nahirapan silang magparehistro dahil nagkagulo na nga sa ibang lugar sa sobrang dami ang nag-show up sa huling araw ng registration samantalang ang haba ng panahon na ibinigay sa atin ng COMELEC.
Sana ay lahat naman nakapag-register dahil sino ba naman ang ayaw na makisali sa halalan kung saan pipili tayo ng bagong Pangulo at kanyang Bise, at mga bagong lider mula konsehal at mayor hanggang senador?
Nakapanghihinayang kung pagkatapos ng May 2016 ay hindi natin masasabi na pumili tayo at bumoto at paano natin mapag-aaralan kung paano nanalo ang ating pinili o bakit natalo.
Anoman ang kahinatnan ng eleksyon para sa bawat isa sa atin, ang pinakamahalaga sa lahat ay na-exercise natin ang ating indibidwal na karapatan bilang Filipino at tayo’y bumoto sa ilalim ng isang demokratikong sistema ng gobyerno.
Sa pagpapanatili ng isang tradisyon mas tumitibay ang pagsasamahan ng mga Filipino at ang eleksyon ay naging para nang tradisyon.
Sa panahon na tulad nito, pinag-aaralan natin ang mga naging karanasan natin sa nakalipas na mga taon sa ilalim ng lumang aministrasyon at gagamitin natin ang mga impormasyon para sa pagpili ng bagong magiging pinuno ng ating pamahalaan. Kaya paano sasabihin ng iba na ayaw na nilang makisali?
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON