NATAPOS na ang LABINGPITONG BUWAN na pagrehistro ng Commission on Elections (COMELEC) para sa mga bagong botante at pagtatama sa mga lumipat ng lugar na botante. Sabi nga nila, NO BIO, NO BOTO.
17 months na walang patid ang pagtawag ng mga opisyal ng ahensiya gamit lahat ng pintuan ng mass media, kasama ang social media websites. Kung tutuusin, pati ang magiging 18-anyos ng October 31, 2015 ay sila na lang ang nagparehistro.
Pero hindi! Nakatutuwang nakaiinis ang marami nating kababayan nang dumagsa sila sa iba’t ibang tanggapan ng Comelec, pati na sa mga mall extension! Ang matindi, sila pa ang galit at minumura ang mga empleyado ng ahensiya dahil mababagal, makukupad daw? Hahahaha.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada bilang isang media, paulit-ulit, maya’t maya ang panawagan natin sa bagong rehistrasyon sa Comelec para bumoto. Sa karanasan natin, paulit-ulit, maya’t maya ay nauulit ang ULTIMO ORA na pagpaparehistro ng MAKUKULIT natin na kababayan!
Bakit nangyayari ito? Karamihan kasi ay BINEYBI NOON NG MGA POLITIKO ang mga kababayan natin na masama ang agenda sa pulitika. Ang mga politiko ay sadyang iniipon, inihahatid-sundo sa Comelec at pinakakain ang mga hindi pa KUNO rehistrado. Sa pag-uwi nila, MAY PERA PA!
Magalit na kayo sa BALETODO pero totoo lahat ito. Pero meron din naman ang mga adelantado. ‘Yun bang naghihintay ng ULTIMO ORA sa katwiran na abala sila sa trabaho, biyahero sila, etsetera. Sa loob ng 17 buwan, hindi man lang ninyo nabigyan ng oras sa TAMANG PANAHON?
Sa totoo lang, sadyang ANG KUKULIT NINYO, EH! Tanda lang ito ng kawalang sistema sa sarili at sa huli ay kawalan ng pansariling disiplina! Masama ang ugaling ito. Tapos kayo pa ang magagalit sa mga empleyado ng Comelec? Eh ‘di wow kayo.
Kritiko tayo ng mga mali at iligal na ginagawa ng Comelec kada eleksyon. Noong manual counting pa man ay hambalos ang inaabot nila sa BALETODO. Nitong computerized election ay kasama tayo sa mga tumutol dahil sa napatunayan pero ayaw pansinin ng rehimeng Aquino sa kanilang HOCUS PCOS!
Malalakas ang loob ng mga politiko na sangkot sa hocus-pcos at kasabwat na opisyal-tauhan ng COMELEC na gawin ang kanilang krimen tuwing eleksyon dahil alam nila ang UGALI NG MGA FILIPINO. Mareklamo pero walang paki sa oras ng labanan!
Nagagawa nilang mandaya nang malaya kasi hanggang sigaw lang kayo! Kasi ang KUKULIT ninyo! Amen? BALETODO/ED VERZOLA
