ANO kaya ang dahilan ng Office of Civil Defense (OCD) at bakit ayaw nitong gastusin ang nalikom na donasyon na aabot sa P385 milyon para matulungan ang mga nasalanta ng trahedya simula noong 2008?
Base kasi sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) kamakailan, noong 2014 ay mayroon pang pondo ang OCD na nakabangko sa Development Bank of the Philippines (DBP) na sa halip na ipantulong sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang sakuna ay nakatengga lamang.
Lumalabas pa sa ulat na P81-milyon mula sa P466-milyon ang nagastos ng OCD para sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang sakuna sa loob ng anim na taon kaya may natitira pang P385 milyon na nakalagak sa nasabing bangko.
Ang nakapagtataka rito, bakit ayaw gastusin ang perang ito para sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan samantalang nakalaan naman ito para sa mga kababayan nating nakaranas na sakuna?
Ang malaking bahagi ng perang ito ay nakolekta ng OCD mula sa government agencies at iba pa noong tumama ang bagyong Yolanda sa ating bansa noong November 2013 na aabot sa P137-milyon.
Marami sa ating mga kababayan ang labis na naapektuhan ng bagyong Yolanda at karamihan sa mga ito ay nahihirapang makaahon dahil walang malaking tulong ang gobyerno ngunit ang nakapagtataka ay bakit hindi ipinamahagi ng OCD ang perang ito sa mga naging biktima ng super-typhoon.
Dapat siguro na ubusin na ng OCD ang perang kanilang inilagay sa bangko upang tuluyang matulungan ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda nang sa gayon ay tuluyan nang makabangon ang mga kababayan nating ito.
Sana lang ay hindi mauwi sa kawalan ang naturang pera dahil kapag nagkataon ay kawawa naman ang mga taong dapat sana ay makinabang sa pondong ito na nakalaan para tulungan ang mga taong nasalanta ng bagyo at iba pang kalamidad.
Huwag din sanang lubayan ng COA ang pagbusisi sa iba pang pondo ng gobyerno upang matiyak na lahat ng nakalaan na pera ay mapunta sa dapat nitong puntahan at hindi sa bulsa ng iilang tao lamang. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
