DININIG ng korte sa Dubai ang ginawang panghahalay sa isang Pinay domestic worker doon.
Ayon sa ating OFW, naghihintay siya ng taxi pauwi sa kanyang tinutuluyan nang may isang lalaking nag-alok sa kanyang sumabay na lamang sa kanyang sasakyan at bayaran na lamang siya kung magkano ang ibinabayad din niya sa taxi.
Pauwi na ‘anya siya sa bahay ng kanyang employer noon at buong tiwala naman niyang tinanggap ang alok ng kapwa dayuhan.
Sa di kalayuan, isa pang lalaki ang dinaanan nila at pinasakay din sa kotse.
Paulit-ulit ‘anyang ginahasa ang Pinay hanggang sa dalhin ito sa isang villa at maging ang security guard na naroroon ay hinalay rin siya.
Matapos ang naturang pang-aabuso, saka siya ibinenta sa isang babae upang gawing prostitute.
Doon nakatakas ang naturang Pinay at kaagad nakapagsumbong sa mga kinauukulan. Nahuli ang dalawang suspek at sinampahan ng kasong kidnapping at rape.
Ilalabas ang desisyon ng korte ng Dubai sa November 17, 2015. Mabilis maglabas ng desisyon ang korte ng Dubai. Kaagad nalalapatan ng kaparusahan ang matagpuang nagkasala.
Gayong hindi rin bago sa ating kaalaman ang sinapit na ito ng Pinay, ngunit patuloy pa ring nagbibigay-babala ito sa ating mga kababayan saanman sa mundo.
Hindi sana nangyari ito sa ating OFW kung naging matalino lamang siya at hindi kaagad sumama sa naturang lalaki.
Mga bata pa tayo, palaging sinasabi ng mga nakatatanda: “Don’t talk to strangers.” Gayong pareho silang dayuhan sa bayang iyon, hindi rin dapat na agad magtiwala sa anomang alok.
Ganito rin halos ang nangyari kay Doris, isang OFW na halos masiraan ng bait matapos itong gawing sex slave sa isa sa mga bansa sa Middle East.
May nag-alok sa kanya ng mas magandang trabaho at hindi na bilang isang domestic helper.
Hindi na nag-isip si Doris. Agad sinunggaban ang alok at iniwan niya ang kanyang employer.
Hindi niya alam na ibinenta na pala siya sa isang casa (brothel) roon at ikinulong sa isang kuwarto bilang isang prostitute.
Hindi na niya mabilang ang mga lalaking customer na pumapasok sa naturang kuwarto sa araw-araw. Lahat ng kita, napupunta lamang sa mga dumukot sa kanya.
Wala na ring maisip na ibang paraan upang makatakas si Doris kaya tumalon ito mula sa ikatlong palapag ng naturang gusali.
Doon siya nasaklolohan ng isa ring kababayan at dinala sa ating embahada. Bali-bali ang katawan nito dahil sa tinamong mga sugat sa kanyang pagbagsak.
Ang matindi pa, hindi niya kayang umuwi sa kanyang asawa at mga anak. Itinago na muna ng isang NGO (non-government organization) ang naturang Pinay hanggang sa dumating ang araw na malakas na ito at kaya nang harapin ang kanyang pamilya.
Malungkot na mga kwento ng pag-aabroad. Maaaring hindi nila ginusto ngunit dahil sa mahinang pagdedesisyon, iyon rin ang siyang nagpahamak sa kanila.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424 BANTAY OCW/SUSAN K