IWAN muna natin ang batikusan sa isa’t isa sa panahon ng pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa.
Gigil na gigil man ako sa Mutyatya ng Malakanyang sa naging pahayag nito kamakailan patungkol sa mabagal na kilos ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda pero hahayaan ko muna ang isyu na ito.
Pagbigyan na muna natin ang panggagago ng mga opisyal ni PNoy lalo na ‘yung apo ng traydor upang magkaisa muna tayo ngayong may mga dayuhang reyna at hari na tatapak sa ating Inang Lupa.
Marami pa tayong nais ilathala upang mapukaw ang atensiyon ng ating mga kababayan gayundin lalo ang ating gobyerno subalit ipagpaliban na natin ito upang bigyang-daan ang pagbisita ng mga dayuhan sa atin.
Pero sana naman, Pangulong Noynoy… ‘wag tayong mapulaan sa buong mundo sa okasyon na ito. Sana naman ay sapat ang kahandaan na inilatag ng mga tuta mo.
Nakatutok ang buong mundo sa Pinas dahil sa okasyon na ito kaya marapat lamang na ipakita natin na tayo’y isang bansa na marunong mag-estima ng mga bisita.
O, baka naman may eksena pa ang mga kababayan natin na militante riyan? Sa isang pamilya, nag-aaway man ang magkapatid pero kapag ibang tao na ang kalaban ay magkakampi na ito – mali man o tama.
Ito na ang pinakamagandang pagkakataon ng ating Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipamalas sa buong mundo ang ating husay. Galingan ninyong tunay, mga sir at madam!
At sa mga kababayan naman natin na maaabala sa kanilang mga trabaho o lakad sa mga araw kung kailan nagaganap ang okasyon na ito ay mangyari lamang na pagpasensiyahan na natin ito. Saglit lang naman ito, pakiusap lang.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.