SA isa sa mga pinakahuling pagpupulong ng United Nations sa Geneva, Switzerland, nakapanlulumo ang ulat mismo ng mga rapporteur o imbestigador nito na ang Pilipinas ang pinakakorap sa lahat ng mga demokratikong bansa.
‘Yun bang === habang ipinangangalandakan natin ang pagiging demokratiko o may kalayaan sa lahat ng bagay, demokratiko o malayang-malaya ring nakapangungurakot ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan.
Ito’y kahit gaano itinatago ng mga magagaling na magtago sa mata ng UN ang kanilang mga kabalbalan sa pamahalaan.
SAMPAL SA DAANG MATUWID
Isang malakas na sampal sa pamahalaang Aquino ang pahayag ng UN sapagkat taliwas ito sa ipinagmamalaki ng pamahalaan na malaki na ang ipinagbago sa problema sa katiwalian.
Biruin mo nga naman, sunod-sunod o sabay-sabay ang mga balitang katiwalian na nagaganap.
Bukod sa mga katiwaliang inginunguso ng administrasyon na gawa ng mga kritiko o nasa oposisyon sa pulitika, may sarili ring kabulukan ito. Hindi nga lang makalkal dahil pilit na itinatago ang mga ebidensya rito.
Kitang-kita ang pagtatago nang magreklamo mismo si dating Commission on Audit chairman Grace Pulido-Tan na hindi sila binibigyan ng Department of Budget and Management ng mga dokumento na nauuganay sa mga katiwalian ng mga taga-Malakanyang at kaalyado ng mga ito sa pulitika.
SAMPOL NG KATIWALIAN
Paulit-ulit nating binabanggit ang mga nagaganap na katiwalian at bawat araw na lumipas, may mga nadadagdag.
Naririyan ang dambuhalang maanomalyang kontrata sa mantinansya sa MRT-3 at sinundan ito ng mga kontrata sa paggawa ng mga lisensya ng mga tsuper at plaka ng mga sasakyan.
Naungkat din ang pagbalot ng anomalya sa rehabilitasyon ng mga biktima ng kalamidad gaya ng sa trahedya sa Yolanda na idaos ng buong bayan at mundo ang paggunita sa pinakamasahol na bagyo sa kasaysayan.
Kabilang sa mga anomalya rito ang pagpapatulog sa bangko ng Office of Civil Defense ng halos P400-milyong donasyong lokal at dayuhan at hindi paggastos ng OCD ng pondo nitong halos P1-bilyon sa harap ng napakalalaking kalamidad na dumadapo sa mahal kong Pinas.
DAMBUHALANG PROYEKTO
Hindi naman namamalayan ng mga mamamayan na kinokorner ng mga malalapit sa Palasyo na malalaking negosyante ang mga multi-bilyong pisong proyekto ng pamahalaan, lalo na sa imprastraktura at komunikasyon.
Sa komunikasyon, hawak ngayon ng nag-contribute nang malaki noong 2010 halalan ang malaking kontrata sa pagpapalaganap ng internet habang ang mga higanteng kontrata sa imprastraktura gaya ng mga superhighway at extention ng mga LRT ay naisako naman ng iilang kumpanya.
Ang masama pa rito, mismong ang COA ay nagsasabing umiiral pa rin ang estilong Priority Development Assistance Fund sa kabila ng deklarasyon ng Supreme Court na ganap na labag ito sa Konstitusyon.
NAGUGUTOM DUMARAMI
Sa mga sarbey na lumalabas, sa nakalipas na mahigit sa limang-taong panunungkulan ng administrasyong Aquino, hindi ramdam ng mga mamamayan ang sinasabing pagyaman ng bansa. At kung may nararamdaman man sila, walang iba kundi ang pasama nang pasama na kalagayan ng mga mahihirap at nagugutom.
Ang masakit pa rito, lalong dumarami ang mga nagsasabing sila’y lalong naghihirap at nagugutom.
Anyare, mga Bro?
Kaibang-kaiba ito sa sinasabi ng mga malalaking negosyante na lumalaki ang kanilang kita sa basbas ng administrasyon ngayon.
Nauulit-ulit ang kasaysayan na ang mga mayayaman, lalong yumayaman at ang mga mahihirap, lalong humihirap.
IPAGPAPATULOY, PALALAKASIN
Heto ngayon ang problema sa pulitika kaugnay ng halalang 2016.
Anak ng tokwa, may nangangako na ipagpapatuloy nila ang Daang Matuwid. Umalma naman ang iba sa pagsasabing walang makasosolo sa Daang Matuwid.
Lumalabas na pinag-aagawan ang anak ng tokwang Daang Matuwid at hindi natin alam kung bakit.
Eh, ano ngayon ‘yang Daang Matuwid para sa UN at ano ito sa harap ng pagsasabi ng mga mamamayan na lalo silang naghihirap at nakararanas ng gutom?
MABUTING GAWIN
Kung ako ang inyong tatanungin kung ano-ano ang mga gagawin ngayon halalan laban sa korapsyon, ito ang ilan sa mga masasabi natin.
Tiyakin ng Commission on Elections na walang pandarayang hokus-PCOS, dahil ‘pag may pandaraya riyan, ang korapsyon ay tiyak na magpapatuloy.
Iwasan din ng mga mamamayan ang pagbebenta ng kanilang mga boto at kung may bibili ng boto, kaladkarin sa publiko at Comelec para magkaleksyon.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA