IDINIIN ni Kit Zatarain (Hepe ng Market Division ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan City) na libre ang ‘pangkabuhayan project’ ng administrasyon ni Mayor Oscar Malapitan.
Ito’y para sa maliliit na mga negosyante ng Lungsod ng Caloocan na bahagi ng paglilingkod ni Mayor Malapitan sa kanila.
Sabi ni Zatarain, walang katotohanan ang akusasyon sa kanya ng mga manininda sa Maypajo na naningil siya ng P15,000 sa bawat isa sa kanila upang makasama sa listahan ng mga makakasama sa ‘pangkabuhayan project’ sa itinayong palengke sa Bgy. 35 (sagot ni Zatarain sa Badilla Ngayon/Nob. 7 Isyu ng Remate).
Aniya, pawang “inimbento lamang” ng mga maninindang hindi nakasama sa ‘pangkabuhayan’ ang akusasyong nangikil siya ng P15,000 sa bawat isa sa higit 800 manininda.
Kung totoo ang akusasyon kay Zatarain, kumita siya at ang kanyang mga kasapakat na opisyal sa pangingikil ng hindi bababa sa P12-milyon.
Ang hepe ni Zatarain ay si City Administrator Oliver Hernandez.
Ayon kay Nolan Sison, hepe ng Public Affairs Office, sabi ni Kit sa kanya ay ang Bgy. 35 ang naningil ng P5,000 sa bawat stall owners batay sa resolusyon ng barangay.
Kaya, ang Bgy. 35 ang kumita.
MAHALAGA ANG MGA ‘BATANG CALOOCAN’ KAY MALAPITAN
Nitong nakaraang buwan, iniulat ng administrasyon ni Mayor Malapitan na umabot sa 700,000 bata ang nabakunahan.
Tiniyak ni Mayor Malapitan na madaragdagan pa ito dahil hanggang Hunyo 30, 2016 pa siya nakaupo sa puwesto. Ano ang punto?
Idinidiin lamang ni Mayor Malapitan na “mahalaga sa kanya ang mga batang Caloocan.”
Bukod sa mga bata, naipagamot din ng pamahalaang lungsod ang 104,000 residente ng Caloocan sa Caloocan City Medical Center (CCMC), at 200,000 residente naman ang nakatanggap ng libreng mga gamot sa health centers. Madaragdagan pa ito.
Ituloy mo lang, Mayor Malapitan, ang pagpapahalaga sa mga residente, lalo na sa mga batang Caloocan.
PAHAYAG NG SSS
Narito ang pahayag ng Social Security System (SSS) sa isinulat ko sa kolum na ito noong Oktubre.
Sabi ng SSS sa pamamagitan ni Marissa G. Bugante, Vice President ng SSS Public Affairs and Special Events Division:
“Hindi kami tutol sa isinusulong [ng Kongreso] na pagtataas ng pensyon, bagkus ipinirisinta lamang po namin ang resulta ng aming pag-aaral para gumabay sa maingat na pagpapasya [ng mga mambabatas].”
“Base sa aming pag-aaral, iikli po nang 13 taon ang buhay ng pondo ng SSS kung ipatutupad ang karagdagang pensyon [na P2,000]. Ang maikling fund life ay may epekto sa kakayahan ng pondong matustusan ang mga benepisyo ng mas nakababata at mga bagong miyembro.” (Itutuloy po sa susunod ang ibang paksa ng SSS.)
Kahit idiniin at ipangalandakan ng SSS na hindi ito tutol sa P2,000 dagdag sa pensyon, maliwanag pa sa sikat ng araw na ayaw ng pamunuan ng ahensiya ang umento dahil sa inirason nitong negatibong epekto ng karagdagang pensyon ng mga retiradong manggagawa/empleyado.
Dapat tanggapin ng SSS na ang solusyon sa problema nito sa pondo ay (1) ibayong pagbutihin nito ang paniningil, (2) pag-obliga sa mga kapitalistang hindi naghuhulog ng kanilang ikinaltas sa mga manggagawa/empleyado nila para sa SSS, at (3) bawasan ang malalaking allowance at bonus ng mga opisyal ng SSS.
Malapit nang ipasa ng Senado ang mungkahing P2,000 umento matapos pumasa ito sa antas ng komite.
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA