SA wakas ay tagumpay ang inilatag na programa ng Philippine National Police para siguruhing ligtas ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders Summit at napanatiling ligtas ang lahat ng mga APEC delegate, lalo na ‘yung mga pinuno ng 21 member economies ng APEC.
Nanguna ang PNP at ka-joint nila ang Task Force APEC Security na mangangalaga sa seguridad kaugnay na rin ng Nov. 13 Paris attacks na naging sanhi ng pagkamatay ng 129 na katao.
Pinangunahan ni PNP Chief Gen. Ricardo Marquez ang inspection team upang siyasatin ang delikadong lugar sa paligid ng APEC venues at siniguro rin niya ang mga gamit at kahandaan ng naka-deploy na security forces sa Roxas Blvd., Buendia at Baclaran.
Alam n’yo ba na mismong si Gen. Marquez ang personal na nakakita na nabigyan ng suporta ang security forces at logistic teams, nasa tamang lugar at napakain nang husto ang mga ito at nabigyan ng tamang order?
Kasabay rin nito ay ipinag-utos din ng PNP ang pagtatalaga ng mga police sa kalapit na probinsya at siniguro rin nila kung paano haharapin nang maayos at paggalang sa mga galit na motorista at commuter na sumisisi sa gobyerno.
Mahigit sa 30,000 pulis, sundalo at emergency personnel ang inatasang bantayan ang seguridad sa katatapos na APEC Summit.
Sa totoo lang, pwede sanang piliin ng Aquino administration ang Clark o Subic sa lugar na pagdarausan ng APEC Summit para maiwasan ang problema sa publiko maging sa pagkakaantala sa businesses sa Metro Manila kaya marapat lamang na bigyan ng pagkilala ang PNP sa magandang trabahong kanilang ipinakita.
Isa sa mga ikinokonsidera ng PNP ang militanteng grupo bilang pangunahing banta sa APEC security pero napigil sila ng anti-riot policemen matapos nilang pasukin ang police line at makamartsa tungo sa PICC.
Binalaan at sinisiguro ng PNP ang mga protester na agad nilang bubuwagin at pipigilin ang anomang protesta na makalapit sa APEC venue sa pamamagitan ng maximum tolerance kaya naman walang anomang naganap na masamang insidente.
Idinepensa rin ni Gen. Marquez ang mahigpit na seguiridad sa roadblocks dahil ito ang protocol sa pagbabantay sa heads of state, kasabay ng paghingi ni Marquez ng paumanhin sa problemang idinulot nito sa publiko at traffic. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA