HINDI natapos kahapon ang dasal at paglalakad ng mga pamilya na biktima ng Ampatuan massacre na kamtin ang katarungan.
Hindi ganu’n kadali para sa kanila ang mawalan ng mga haliging ama o ina ng tahanan, kapatid, kaibigan at iba pa.
Hanggang ngayon, gutom at hirap ang dinaranas ng marami sa mga pamilyang naulila. Tumigil ang kanilang mundo at nagkaroon ng blangkong tanaw sa matagal na hinaharap.
DUGONG UTANG
Para naman sa mga mamamahayag, utang na dugo ng pamahalaan ang pagmasaker sa mga biktima na umabot sa 58 katao, kabilang na ang nasa 32 mamamahayag.
Utang na dugo dahil mga opisyal at tao ng gobyerno ang nangmasaker kina Ian Subang, Lea Dalmacio, Gina dela Cruz, Maritess Cablitas, Rosell Morales, Henry Araneta, Neneng Montaño, Alejandro “Bong” Reblando, Victor Nuñez, Mc Delbert “Mac-Mac” Arriola, Bal Cachuela, Ernesto “Bart” Maravilla, Ronie Perante, Joel Parcon, Jun Legarte, Rey Merisco, John Caniban, Arturo Betia, Noel Decena, Rani Razon, Jhoy Duhay, Andy Teodoro, Jimmy Cabilo, Reynaldo “Bebot” Momay, Napoleon Salaysay, Jun Gatchalian, Lindo Lupogan, Jolito Evardo, Daniel Tiamzon, Jepon Cadagdagon, Rubello Bataluna, Benjie Adolfo.
GOBYERNO ANG NANGMASAKER
Ang mga mag-aamang Andal Ampatuan, Andal Ampatuan, Jr. at Zaldy Ampatuan na dating pinakamatataas ng opisyal ng lalawigan ng Maguindanao at Autonomous Region in Muslim Mindanao ang itinuturong nagplano ng pagpatay.
Si Andal Jr. na mayor ng isang bayan sa Maguindanao ang umano’y kumalabit ng gatilyo para makitil ang buhay ng mga minasaker.
Katulong niya ang mga pulis at iba pang armado ng pamahalaan sa pagpatay sa mga biktima at backhoe ng gobyerno ang ginamit para ilagay sa malalim na hukay ang mga biktima sa layong itago ito sa kaalaman ng mga mamamayan at kinauukulan.
Sila’y naging makapangyarihan dahil sa basbas ng pambansang pamahalaan o mga nakaupo sa Malakanyang na laging gumagamit sa kanila para maghari sa mga halalan at kumontrol sa mga yaman ng bansa sa nasabing mga lugar.
SILA ANG MANAGOT
Dahil ang gobyerno ang may gawa ng krimen, dapat lang na ang gobyerno ang gumawa ng mga pagtutuwid sa napakalaking kamaliang ito.
Malaking kamalian ito hindi lang laban sa mga mamamayan kundi laban sa pandaigdigang prinsipyo para sa karapatang mabuhay at karapatan para sa malayang pamamahayag.
Dahil gawa ng gobyerno ang krimen, dapat itong tuloy-tuloy na kumilos para sa pagtutuwid. At hindi pahihirapan ang mga biktima at mamamayan sa pagkamit ng magandang bunga ng pagtutuwid gaya ng katarungan.
Pero dapat na kabilang sa mga pagtutuwid ang paglalagay ng pamahalaan sa maayos na kalagayan ang mga naulila. At para maayos ang lagay ng mga naulila, dapat silang malayo sa takot na sila’y mapatay ng mga gumagala pang galamay ng mga mamamatay-tao.
Ang mga batang nag-aaral, dapat bigyan ang mga ito ng oportunidad para magkaroon ng sapat na edukasyon. Ang mga nagugutom na pamilya ng mga napatay, paano sila bigyan ng sapat na ayuda?
WALANG BALITA
Wala tayong gaanong naririnig na balita ukol sa mga bagay na ito na ginagawan ng pamahalaan ng aksyon.
Maliban lang sa paglalagay sa ilang biktima at saksi sa Witness Protection Program, wala na tayong nakikita o nababalitaang mahahalagang aksyon ang pamahalaan.
Ni hindi nga nababanggit sa State of the Nation Address sa nakaraang mga taon ang kalagayan ng mga biktima.
Sa pagsisimula ng panibagong pamumulitika na may kaugnayan sa halalang 2016, wala nga rin tayong naririnig mula sa mga kandidato ng administrasyong Aquino na dapat ay magpursigi sa ganitong uri ng problema sa lipunan.
Hindi kasali sa Tuwid na Daan ang malinaw na programa para sa mga napapatay na mediamen, na napakarami na kahit sa ilalim ng rehimeng Aquino.
ISANG DOSENA
Ika-anim na taon na ang Ampatuan massacre kahapon. Noong una, umasa tayo, mga Bro, na mapabibilis ang lakad ng hustisya kay Aquino.
May mga pangako na maaaring magkaroon ng bunga ng mga pag-uusig sa katapusan ng taong ito. O kaya sa bago lalayasan ni Aquino ang Malakanyang sa susunod na taon.
Pero dahil wala ngang binabanggit ang gobyerno ukol sa masaker na ito, lumalabas tuloy ang pagiging sinungaling ng pamahalaang Aquino.
Dapat na alalahaning isa ang Ampatuan massacre sa mga ginawang bato na tuntungan ng administrasyong ito at hindi lamang pangako para sa pagdurong ng korapsyon.
Ngayon, ang naririnig natin ay nasa kamay na ng hukuman ang lahat at dapat na mag-antay na lang ang mga mamamayan ng balita mula sa mga hukuman.
Anak ng tokwa, kung kalaban sa pulitika at kaagaw sa kapangyarihan ng mga nasa Malakanyang ang pinag-uusapan, hanggang sa huli ay kitang-kita ang kamay ng Malakanyang kahit pa sa mga hukuman, hanggang sa Korte Suprema.
Ngayon, sinasabi nilang hindi na sila pupwedeng makialam?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
