DAGDAG-PAHIRAP na naman ang ginawa ng Land Transportation Office o LTO sa pagkuha ng lisensya ng mga drayber.
Mabuti na lang at medyo tinablan itong si Abaya ng DOTC kaya sinuspinde muna ang katarantaduhan na ito ng LTO na ewan ko kung saan na naman nila nakuha ang ganitong polisya.
Ang masamang balita, taumbayan! Pansamantala lang ang ginawa nitong Abaya na ito na ang ibig sabihin nito ay ipatutupad din nila ang katarantaduhan na ito kahit umani man ito ng batikos.
Iyan ang mahirap sa mga namumuno sa atin ngayon! Silang ang ginawa lang sa buhay ay magsunog ng kilay sa pag-aaral o kaya’y ipinanganak ng may gintong tinidor sa bunganga.
Basta kung ano ang maisipan, anoman ang mapagkasunduan nila habang umiinom ng tumbanog… ipatutupad nila ng buong tapang ng mukha, hindi nila alintana ang hinagpis ng taumbayan.
Aba’y siyempre naman at naturalmente na dahil sila-sila itong iisa ang tinatakbo ng utak kaya sila-sila rin ang nagtatanggol sa isa’t isa. Sa hirap man o ginhawa, ‘til death do us part.
Talaga bang ganito na lang ang buhay natin, taumbayan? Hanggang sa mga huling araw ng kaharian ni PNoy ay sige nang sige pa rin ang mga ginagawang kabulastugan sa ating bansa.
Sa palagay ko tuloy ay marami nang naiinip sa 2016 elections. Kung maari lang ay bukas na isagawa ang halalan upang matapos na ang paghahari ng administrasyon na ito na utak-elitista na, wala pang malasakit!
Gaya na lamang sa pagkuha ng lisensiya ng baril na pinahirapan ng todo ng mga ungas na ito pero isang alyas ‘Raymond Uy’ na sangggang-dikit ni PNoy ang may ‘Express Lane’ para kumuha ng naturang lisensiya.
Sino ang nakakikilala kay ‘Raymond Uy’? Abangan…
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
