MALINAW na iba ang sinasabi sa ginawa ng kasalukuyang administrasyon kay Senadora Grace Poe.
Kitang-kita kasi sa binibitiwang salita ni PNoy ay gusto nitong pabayaan na lamang daw ang kandidatura ni Poe para Pangulo pero mukhang iba naman ang ikinikilos at ginagawa ng mga alipores ni Mar Roxas.
Hindi kasi naniniwala ang kampo ni Poe na walang kinalalaman ang LP, partikular na ang mga attack dog ni Roxas sa mga kasong isinampa sa kanilang manok para ipadiskwalipika ito bilang kandidatong Pangulo sa 2016.
Maging ang tao tuloy ay hindi naniniwalang walang alam ang Roxas camp sa paggiba kay Poe dahil ito ang mabigat nilang kalaban sa eleksyon maliban pa kay Digong Duterte na sumali na rin sa labanan.
###
‘Di dapat magpatuloy ang paghihirap ng mga Pinoy kaya dapat sugpuin na ang grupong “Daang Matuwid.”
Kailangan na kasing wakasan ang problema sa trapiko at kakulangan ng mass transport system sa bansa na araw-araw na nagpapahirap sa sambayanang Filipino.
Maging ang port congestion ay tinulugan lamang ng PNoy admin kaya dapat nang magising ang madla sa pagpili ng kandidatong iboboto sa 2016.
Isip ang dapat pairalin ng mga Filipino at hindi ang endorso ng isang Pangulo na wala namang masasabi at maipagmalaking monumental project na nagawa niya sa estado.
###
Panahon na para magkaroon tayo ng departamento na siyang tututok sa problema ng disaster sa bansa.
Ito ang gustong mangyari ni Poe dahil ayaw na nitong mangyari ang ginawang sisihan nina Roxas at pamilya Romualdez noong panahon ng Yolanda.
Malinaw na napakalaking problema na ang mga nangyayaring kalamidad sa bansa kaya dapat may sarili nang departamento na tututok dito.
###
Lalo lamang humina ang kandidatura ni Roxas nang sumabak na si Duterte. Malinaw kasi sa pagtaya ng mga political analyst na si Roxas ang kakainan ni Duterte ng boto, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon, lalo lamang nabaon ang kandidato ni PNoy kaya malamang ay maghanap ang Pangulo ng panibagong mamanukin. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO