PANG-APAT na lamang ang rating ni kandidatong Mar Roxas sa pagka-Presidente.
Inunahan na siya nina Mayor Rodrigo Duterte, Senadora Grace Poe at Bise Presidente na si Jojo Binay.
Nakaangkla ang popularidad ni Mar sa kanyang pangakong ipagpapatuloy niya ang Daang Matuwid na slogan ni Noy na ngayon ay ginagawa na lamang katatawanan ng marami.
Tuwad na Daan, ang puna ng iba.
Kailangang kumawala na si Mar sa image ni Noynoy.
Sa ngayon ay tila carbon copy siya ni Pangulong Noy at ito ang magdadala sa kanya sa kapahamakan sa eleksyong ito.
Sa bawa’t bigkas ni Mar sa kanyang pangakong ipagpapatuloy niya ang Tuwid na Daan ng kanyang boss, para bang sinasabi niyang tuloy ang traffic sa EDSA at buong Metro Manila, at tuloy ang lahat ng kahirapan ng buhay sa ating bansa.
Hindi ako magtataka na kung magwagi siya sa pagka-Pangulo, tuloy sa kanilang pamamayagpag sa puwesto sina Jun Emilio Aguinaldo Abaya sa Department of Transportation and Communications.
Under din ni Abaya ang Land Transportation Office at Land Transportation Franchising Regulatory Board na kapwa sikat sa kapalpakan at corruption, totoo man o hindi.
Malamang na hirangin din muli ni Mar ang mga taong katulad nina Budget Sec. Butch Abad, airport manager Jose Aquino Honrado at Agriculture Sec. Processo Alcala at mga kabarkada.
Malamang na tuloy pa rin ang laglag o tanim-bala sa mga airport dahil okay lang ito sa Tuwid na Daan ni Pangulong Noy.
Tuloy-tuloy pa rin ang mahabang pila sa mga train na laging nasisira o tumitirik sa gitna ng biyahe.
Panahon na upang kumawala na siya sa saya ni Noy.
Be your own man, Mr. Roxas.
Paano naman ang legacy na iniwan sa iyo ng iyong amang dating Senator Gerry Roxas at lolong President Manuel Roxas?
Puro na lang ba legacy ni Noy ang nasa isip mo? DEEP FRIED/RAUL VALINO
