NANGGIGIGIL ang ating mga ka-Bro sa kanilang nakita sa Solaire Resort and Casino.
Hindi nila malaman kung kailangan silang mabuwisit o mainis sa katangahan ng sinasabing casino.
DISMAYADO
Dismayado ang chairman ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) na si Jerry Yap sa nakita nitong kawalan ng pakialam ng Solaire sa kinabukasan ng mga bata.
Dahil sa pangyayari ay personal na maghahain ng reklamo ang ALAM sa PAGCOR para kunin ang atensyon ng casino management na lantarang yumuyurak sa magandang kinabukasan ng mga musmos.
BULAGA
Kuhang-kuha sa ating inilathalang larawan sa (pahina 1) na nakamasid ang mga musmos sa kanilang mga magulang na nagsusugal.
Na personal ding nasaksihan ni ALAM Chair Jerry Yap.
AKSYON PAGCOR
Inaasahan ng ULTIMATUM na gagalaw kaagad ang PAGCOR sa kawalanghiyaang ito na talaga nga namang yuyurak sa kinabukasan ng sambayanan
Napakaliit na bagay pero napakalaking dagok sa ating kinabukasan sakaling hindi ito pansinin ngayon pa lang.
GAGAYAHIN
Sakaling pabayaan ito ng pamahalaan ay asahan nating ganito na rin ang gagawin ng mga susunod na casino na itatayo sa Entertainment City.
Hindi na magtatagal ay isa na namang bagong casino ang bubuksan at ito ay ang Belle Grande na matatagpuan sa kahabaan ng Macapagal Blvd. at Roxas Blvd.
Kaya asahan nating tuluyan nang mabababoy ang Kristiyano nating bansa at puro kademonyohan na lang ang maidudulot ng mga sugalan na ito.
SEMANA SANTA
Kinalakhan na natin ang okasyong Semana Santa na tinatanaw na nagmula pa nang naglalakad si Kristo Hesus sa lupa hanggang sa bitayin siya ng mga kampon nina Herodes at Pilato.
Dahil nakararami ang Katoliko sa mahal kong Pinas, sabihin na nating gumagalaw sa maraming pagkakataon ang buong bansa ayon sa mga paniniwala at tradisyon nito, kabilang na ang paggunita sa buhay, kamatayan at pagkabuhay na muli ni Hesus.
NAKIKINABANG ANG LAHAT
Hindi lang naman ang mga Katoliko mismo ang nakikinabang sa maraming benepisyo mula sa kanilang mga sariling paniniwala at galaw.
Sa atin sa diaryo, ang Semana Santa ng mga Katoliko ay oras din ng pagmumuni-muni.
Kasabay ng pagmumuni-muni ang pagkakaroon ng “tigil-putukan” sa mga pagpuna sa mga dapat lang na punahin.
At siyempre, pamamahinga naman.
ARAW NG PAMAMAHINGA
Sa araw na ito, itinakda natin ang pamamahinga at magsibalikan na lang ang lahat sa trabaho sa Linggo.
Maniniwala ba kayong straight na 24 oras sa pitong araw sa buong taon, maliban sa Disyembre 24, Disyembre 31 at Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria ang trabaho sa media?
Dito natin kalilimutan ang lahat at ituon ang mga oras at araw sa pagsisimba at paglingon sa nakaraan patungo sa kinabukasan.
Dito natin kinakapa ang ating mga kahalagahan sa buhay, kung may silbi tayo o wala sa ating kapwa.
SIRAAN
Pero alam ba ninyo na mga araw ng siraan sa iba’t ibang relihiyon ang Semana Santa?
Dito lumalabas ang paninira ng ibang mga pananampalataya sa mga Katoliko, lalo na sa mga lider na obispo, pari at madre ng mga ito.
Kesyo pupunta raw sa impiyerno ang lahat ng obispo, pari at madre at silang hindi Katoliko lang ang maliligtas sa apoy ng impiyerno.
Kung ano ang mga dahilan ng iba para siraan ang mga Katoliko, bahala na kayong kumapa, mga Bro.
Basta para sa atin, malakas talaga ang hatak ngayong Semana Santa para sa pagtitika at pag-aayuno na rin.
SAKRIPISYO
Hindi masama na dumating ang Semana Santa na nagpapaalala ng sakripisyo na walang kapantay.
‘Yun bang === For God so loved the world that he gave his only begotten son, sabi ng Biblia.
Akalain ba natin na may Hesus na nagpapako ng kanyang sarili sa utos ng kanyang Ama hanggang sa siya’y mamatay para lang magkaroon tayo ng buhay!
At hindi rin masama ang paglingon sa nakaraan na marami rin pala tayong mga kasalanan o pagkakamali na dapat itama alang-alang sa magandang kinabukasan.
MAG-INGAT
Dahil nga sa Semana Santa, milyon-milyon ang bumibiyahe upang makipisan o makipagtagpo sa kanilang mga mahal sa buhay.
‘Yung iba, oras ng pamamasyal at paglimot sa mga masasalimuot na bahagi ng kanilang buhay.
Para rin sa iba, ito ang pagtatago mula sa magulo at karaniwang takbo ng buhay para paglabas nila ay bago ulit ang kanilang mga katauhan.
‘Yung iba naman, bumibiyahe para kumita at pagkakitaan ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay.
Mga wais.
At alam ba ninyo?
Pati ang mga bumabatikos sa mga Katoliko, Aglipay at iba pang naniniwala sa Semana Santa, eh, oras ng malaking kita para sa kanila.
Banye-banyera kung magtinda sila ng isda at kandila, halimbawa, dahil ayaw ng mga nagse-Semana Santa sa karne habang nag-aayuno sa dilim at nag-puprusisyon.
Hehehe!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.