TULOY pa rin ang hangarin ni Sen. Grace Poe para maging susunod na Pangulo ng ating bansa kahit sangkaterba na ang kaso nito para sa kanyang diskwalipikasyon.
Ang mga ito’y panggugulo lamang upang hubugin ang kaisipan ng mga botante para itigil na ang kanilang suporta kay Poe dahil sa mga isyu na ipinupukol sa kanya.
Anong petsa na, taumbayan?! Kahit ibaba pa ang hatol ng COMELEC laban kay Poe ay hindi pa rin ito aabot sa itinakdang araw ng pagsasagawa ng pinal na listahan ng mga kandidato.
Alam ito ng mga kalaban sa pulitika ni Poe, alam nila na hindi rin sila aabot sa itinakdang araw ng batas at alam din nila na matatapos na ang bilangan ng boto sa 2016 Elections ay hindi pa rin matatapos ang mga kaso laban sa Senadora.
Ang importante lang sa kanila ay magiba ang katauhan ni Poe. Ang importante ay lumabas na lehitimo ang kinakaharap na isyu ni Poe – hindi mahalata ng taumbayan na ang mga ito ay pamumulitika lang.
Pagkatapos sa Senate Electoral Tribunal o SET ay gugulong naman ito patungong Korte Suprema. Pagkatapos din ng lahat ng tinatawag na ‘Due Process’ sa COMELEC ay sa Korte Suprema rin ang lagapak nito.
Ganyan ang tindi ng sikip ng proseso na daraanan ng kaso ni Poe. Kailangan lang ng kampo ni Poe na masigurong kaya nila itong iantala hanggang sa matapos ang halalan at kapag manalo na si Poe e ‘di abswelto na ang Senadora.
Isa lang malinaw sa mga araw na ito. Lahat ng kandidato ay may kanya-kanya nang kasiraan sa kanilang buhay tulad nina Poe, Binay at Duterte maliban na lang kay Roxas.
Opo, taumbayan! Si Roxas na lang namumukod-tangi na walang lumalabas na kasiraan sa buhay. Siya na lang ang tila kwalipikado sa lahat ng kandidato para sumunod sa trono ni PNoy.
Ibig-sabihin, si Roxas ang may pakana ng lahat ng ito. Siya ang salarin sa mga samu’t saring isyu na kinakaharap ng mga kandidato.
Ibig-sabihin, alam lahat ni PNoy ang kaguluhan na ito sa mundo ng pulitika.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
