IBA talaga ang dating ng isang opisyal ng Philippine National Police kapag dala sila o may ipinagyayabang na politiko.
Isang halimbawa nito ay ang isang station commander ng Manila Police District (MPD) at isa pang station commander ng Quezon City Police District (QCPD) na bagaman napakarami ng palpak at kalokohang nagawa ay nananatili pa rin sa kanilang puwesto.
Lumaki ang ulo ng station commanders na ito dahil sa proteksyong ipinagkaloob sa kanila ng kanilang padrino.
HIndi po bata ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada itong commander ng Sampaloc Police Station na si Supt Mannan Muarip. At maging ang police official na ito ay aminadong hindi siya bata ni Mayor Erap. Pero ipinangangalandakan nito na kaya niyang kunin ang anomang gustuhin niyang station sa MPD.
Ang yabang na ito ay dahil may basbas umano siya mula kay Presidential at Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
‘Yun pala naman. Naku, Ginoong Roxas, ‘di ka kaya masira ang imahe mo dahil sa pag-iinarte ng mga pulis na ito na tino-tolerate mo at pinalalampas ang mga atraso sa mga tao?
Ikaw rin, kapag nanatili ang mga opisyal na ganito ang trabaho ay tiyak na malalagyan ng mantsa ang pagtutok mo sa “Daang Matuwid.”
Itong station commander naman ng Masambong Police Station na si Supt. Christian dela Cruz ay ipinagmamalaki na hindi lang sa district director na si C/Supt. Edgardo Tinio siya malakas kundi maging kay Mayor Herbert Bautista.
Ito umano ang padrino niya talaga sa QC kaya nga raw kahit mag-aalaga siya ng mga iligalista sa kanyang nasasakupan ay nagbubulag-bulagan na lang ang alkalde.
Teka, parang hindi ganoon ang pagkakilala ko kay Mayor Bistek. Sapul sa simula ay hindi ito nakikialam sa trabahong pulis.
Naku, dapat mabatid na ng alkalde ng QC ang mga iligal na gawain ni Dela Cruz upang maputol na ang sungay nito.
Kapag namayagpag pa itong sina Muarip at Dela Cruz, tiyak na sa kangkungan na dadamputin ang mga ipinagmamalaki nilang padrino dahil ‘di naman nakalilimot ang karma. PAKUROT/LEA BOTONES
