HALOS araw-araw ay nakatatanggap tayo ng sumbong, reklamo at paghingi ng tulong mula sa hanay ng OFWs mula sa ibang bansa.
Nakapagtataka lang, naipaaabot naman sa mga opisyal ng Embahada natin ang kaso pero tila taingang-kawali lang sla.
Itong huli, malamang mapugutan ng ulo si JOSELITO ZAPANTA dahil kulang pa ang “blood money” na hinihingi ng pamilya ng kanyang napatay na Sudanese landlord. P48-milyon lahat pero P25-milyon pa lang ang hawak ng kanyang pamilya.
Malaki ang halaga na kailangan pa kung tutuusin – pero – maliit ito kung ikukumpara sa remittances at kinita na interes ng OFWs. Ano ba ang halaga na iyan kumpara sa NINAKAW NG MGA OPISYAL NG ADMINISTRASYON NGAYON!
Kailan din lang, may ginahasa na OFW. Yung isang pinaso ng mainit na plantsa. Yung isa, tumalon dahil sa pang-aabuso, bali-bali ang buto at ‘yung katulad niya, namatay sa taas ng tinalunan. Ilan lang sila.
Aywan kung kailan totoong kikilos para tumulong nang malugod ang mga opisyal natin mula sa DFA lalo na sa DOLE na malaki naman ang koleksyon bago lumabas ng bansa ang OFWs.
Matapos ang kung ano-anong bayarin sa pagproseso ng kanilang dokumento, hayun, pati NAIA ay tumira rin sa pamamagitan ng pagsingil ng “travel fee” sa kabila na ang linaw ng batas ng Migrant Workers Act na LIBRE AT HINDI DAPAT magbayad ang OFWs!
Hindi kataka-taka na hayaan ng Malacanan ang ginawa ni Jose Angewl Honrado, hepe ng NAIA dahil magpinsan sila ni Aquino.
Ibig-sabihin, dumiskarte rin sa kita si Honrado na nagpakita ng katangahan noong inimbestigahan siya ng Senado!
Sabi na rin ng lider ng rehimen ngayon, “SAAN KAYO KUMUKUHA NG KAPAL NG INYONG MUKHA SA PAGSIPSIP SA DUGO NG MGA MANGGAGAWA AT OFW” natin?
Patuloy rin ang nakararating sa atin na balita ng kapabayaan ng mga opisyal ng embahada lalo na ang POLO na dapat mangasiwa ng agaran sa OFWs.
Noon nga, sila pa ang “nagbebenta” sa mga tumakas na OFWs at kung hindi man, sila pa ang nagsasamantala sa kababaihan!
PUNYETA, hindi ba?
Kung sabagay, patapos na ang inyong matiwali at pabaya na pamamahala hindi lang sa OFWs kundi sa buong bansa. Sana, magdasal na kayo na hindi kayo mahahatulan ng habambuhay pag-upo ng tunay na lider ng pagbabago.
Pero isa ang tiyak, dahil sa inyong kapabayaan at katiwalian, ang taumbayan ay titindig tikom ang kamao upang kayo ay papanagutin sa mortal na kasalanan ninyo kontra bansa at taumbayan! BALETODO/ED VERZOLA
