MARAMING netizen ang nag-react sa paksa ng kolum natin noong Huwebes na nagtanong kung handa na ba tayo sa tipo ng batas ni Davao City Mayor at kasalukuyang presidential candidate Rodrigo Duterte.
May mga hindi sang-ayon sa pamamaraan niya ng pamumuno, pagiging palamura at ibang hindi kanais-nais na katangian.
Para kay Sbeb Gutnab, “No to Duterte kamote. Yabang lang ‘yan. ‘Wag maniwala!” Ayon naman kay Teodora Lizardo, “Bakit ganon. Pwede naman magsalita nang walang mura. Grabe.” Ang puna ni Weny Ochoa ay, “Your question was wrong. It must be, are we ready for a madman to rule us?”
Pero marami pa rin ang pabor kay Duterte at naniniwalang siya ang makalulutas ng mga problema at makapagpapatino sa bansa.
Para kay Cherry Ruiz Atendido, “Siya lang ang kayang susugpo sa mga kriminal, droga at corrupt. At ‘yan ang malalaking problema sa ating bansa. So siya ang pag-asa ng mamamayang Filipino. Mas may malasakit siya sa mamamayan, kaya go, Duterte!” “Yes, patayin lahat na mga kurakot sa gobyerno, mga mapagsamantala, mga makasarili sa gobyerno,” pahayag ni Lilibeth de Rossi.
Maaaring hindi alam ng iba na ilan sa ipatutupad ni Duterte, na tiyak na makaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ni Juan dela Cruz, ay ang “nationwide ban” sa paninigarilyo at alak para raw sa kalusugan ng mga Filipino.
Pero aaminin ko na marami siyang magandang hangarin sa bansa at isa rito ang “federalism.” Noon pa tayo naniniwala na “federalism” ang sistema ng pamahalaan na nararapat sa Pilipinas.
Pero ang nagdulot ng pag-aalala sa akin at sa marami ay ang hangarin niyang magpatupad ng death penalty sa mga kriminal linggu-linggo. Bukod pa rito ang pagbibigay proteksyon ni Duterte sa kapulisan na hahayaan daw niyang pumatay ng masasamang-loob.
‘Di niya nasilip na pwedeng abusuhin ng pulis ang kapangyarihan at pumatay ng kahit sino, may sala man o wala, kung alam niyang protektado siya ng Pangulo.
Naging modelong lungsod ang Davao dahil sa pagsisikap ni Duterte. Maaaring siya nga ang sagot sa mga problema ng ating bansa.
Pero isa sa bumabagabag sa atin ay ang malaking bilang umano ng akusado na nilikida sa Davao noong siya ang alkalde kahit hindi pa napatutunayan sa korte na may sala sila.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
