WOW, nakapasok na sa “MAGIC 12” sa senatorial bets si Valenzuela City Cong. Win Gatchalian. Nakapagtala siya ng pinakamalaking pag-angat sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Disyembre 4-11 at sa kauna-unahang pagkakataon ay pumasok ang kongresista sa “Magic 12.”
Pumalo nang 36 percent ang “voting for” ni Gatchalian sa naturang survey na nagpaangat sa kanyang ranking mula No. 15 tungo sa pagiging No. 12 na nasa loob ng winning circle. Tumaas din ng 83% ang awareness level ni Gatchalian at dahil dito ay pumasok siya sa “Magic 12.”
Noong September survey ng Pulse Asia ay 22% lang ang mga boboto sa kanya sa pagka-senador kaya 14 percentage points ang itinaas ni Gatchalian sa pinakahuling survey.
Ang ibig-sabihin lang nito ay naging epektibo ang huling mga TV commercial ni Gatchalian na ang una ay nag-pokus sa mensaheng “Kilala mo ba si Win Gatchalian?” na sinundan ng isa pang advertisement na testimonyal ng mga nakakikila naman ng Valenzuela City.
Nananatiling edukasyon ang pangunahing adbokasiya ni Gatchalian at ito ay paniniwala na mas maganda ang kinabukasan ng mga nagsipagtapos ng kolehiyo dahil mas malaki ang tiyansa nilang makakuha ng mga tabahong mataas ang suweldo.
Maski nga si Sen. Grace Poe ay bilib sa track record ni Cong. Win partikular ang kanyang ginawang feeding program sa elementary public school students sa Valenzuela noong alkalde pa siya nito.
Parehong naghain ng panukalang batas sina Poe at Gatchalian para i-institusyonalisa ang feeding program sa lahat ng pampublikong mababang paaralan sa buong bansa bilang panlaban sa malnutrisyon na nakaaapekto sa academic performance ng mga estudyante.
Kabilang sa mga panukalang batas ni Gatchalian ang House Bill No. 5905 o ang “Free Higher Education Act” na aprubado na ng House Committee on Higher and Technical Education. Layunin ng HB 5905 ang 100% free tuition sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) partikular sa undergraduate at certificate degree.
Tinatayang 2-milyong estudyante sa may mahigit 100 SUC ang mabibiyayaan ng panukalang batas ni Gatchalian na kanyang isusulong sakaling palarin siyang maging senador sa 2016.
Miyembro ng Nationalist People’s Coalition si Gatchalian. Itinuturing ang NPC na pangalawang pinakamalaking partido sa bansa na may dalawang senador, 40 kongresista, 14 gobernador at 22 city mayor. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA