MARAMI nang sumbong na nakarating sa Lily’s Files ukol sa umano’y iligal na gawain na kinasasangkutan ng ilan nating kapulisan sa Bocaue Sub-Station na nasa Bgy. Biñang, Bocaue, Bulacan.
Sinasabing sangkot daw lagi sa “hulidap” ang ilang pulis na nakatalaga rito, partikular na ‘yung kaso ng droga.
Kamakailan lang daw ay may nadakma ang dalawang pulis kung saan isa rito ay may ranggong POI sakay ng Mobile Patrol car na hinihinalang dalawang tulak ng iligal na droga.
Nahulihan daw ng ilang gramong shabu ang dalawang tulak pero sa halip na ikulong at kasuhan ay kinotongan ang mga ito ng mga pulis at hiningan ng halagang P8,000 at ng makuha ang pera ay parang walang anomang naglakad at umalis ang dalawang tulak.
Naku, paano matitigil ang rampant na bentahan ng shabu riyan sa Bgy. Caingin na kilalang sentro ng bilihan ng shabu sa Bocaue kung itong ating mga tagapagpatupad ng batas ay nasisilaw sa kinang ng konting barya?
Bocaue Police Chief, P/SUPT. Ganaban Ali, paki-monitor lang po ang inyong mga tauhan diyan sa Bocaue Sub-Station na nasa Bgy. Biñang 2nd, Bocaue, Bulacan. Sila ang sisira sa inyong magandang imahe bilang hepe ng Pulis sa lugar.
Itong mga garapal at demonyo mong tauhan ang sisira sa iyong magandang pamamalakad diyan kaya habang maaga pa ay putulin nyo na ang sungay ng mga ‘yan.
‘Yan ay kung hindi n’yo alam ang modus operandi ng mga hulidaper mong pulis.
GIFT-GIVING PROJ. 2015 NG NCRPO PRESS CLUB
Noong nakalipas na Disyembre 23 ng madaling-araw, isinagawa ng NCRPO Press Club ang kauna-unahang project na “Gift-Giving 2015” kung saan ang mga beneficiary ay ang mga pamilyang natutulog sa lansangan sa Metro Manila.
Dito ay nakita ko na naman ang mga batang natutulog sa semento at damo na kapirasong papel at tela lamang ang sapin.
Nakadudurog ng puso ang aming mga nakita mula sa Lungsod Quezon, Caloocan, Maynila at Pasay at sa pamamagitan ng aming kaunting pamasko sa kanila ay kitang-kita namin ang kasiyahan tuwing tatanggapin nila ang munting regalo ng NCRPO Press Club.
Maliit na bagay lang pero ang ngiti at kanilang pasasalamat ay walang katumbas na halaga para sa amin.
Bilang presidente ng NCRPO Press Club ay buong puso po kaming nagpapasalamat sa mga tumulong sa aming project tulad nina NCRPO Chief, P/DIR. Joel D. Pagdilao; QCPD Director, PC/SUPT. Edgardo G. Tinio; P/SUPT. Arnel Olivares ng QCPD; RAID Chief, PC/INSP. Roberto Razon; PC/INSP. Benjamin Gabriel ng QCPD; Josh Abiad ng UNTV; Armida Rico ng Abante/Tonite; at siyempre sa pamilya ko.
Hindi po magiging successful ang aming unang project kung hindi sa tulong at suporta ng ating mga kaibigang pulis at kasamahan sa trabaho at serbisyo.
Nagpapasalamat din ako sa ilang opisyal at miyembro ng NCRPO Press Club na sina Jun Mestica, Val Leonardo, Ma. Theresa Briones at Paula Antolin at sa mga miyembrong sina Jimmy Carbo, ng Pilipino Mirror; Reynante Ponte ng UNTV; L.A. Santos ng GMA; Marry Anne Lugod ng CNN Philippines; at kina Ate Leny, Ate Villa, mga anak kong sina Leo-Al at Angelica, at mga apo kong sina Ate Nicole at Ate Patricia na tumulong sa pagre-repack ng goods hanggang sa distribution nito sa kalye kung saan ay inabot kami ng alas-5:00 ng madaling-araw.
Pagkatapos ng aming gift-giving, ayun natrangkaso kami nang sabay-sabay nina Tere, Paula, Leny Patricia kung saan hanggang ngayon ay wala pa rin akong boses pero ok lang ‘yun masarap naman sa pakiramdam.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at komento, mag-text lang po sa 0921-9787042. LILY’S FILES/LILY REYES
